Ella Cruz kinawawa nu’ng high school: Yun ang pinakamagulong parte ng buhay ko
Awra Briguela, Ella Cruz, Julia Barretto at Andrea Babierra
“YUNG high school talaga ang pinakamagulo na parte ng buhay ko,” ang pag-amin ng actress-dancer na si Ella Cruz patungkol sa naging buhay niya bilang estudyante.
Ayon kay Ella, isa siya sa mga biktima ng bullying noong nasa high school pa siya at hanggang ngayon ay hinding-hindi niya malilimutan ang mga pinaggagawa sa kanya ng mga kaklase.
Kuwento pa ng dalaga, ang high shool daw ang pinakamagulong bahagi ng buhay niya bilang estudyante at talagang parang mga eksena sa pelikula ang pambu-bully na naranasan niya.
“To be honest, yung high school talaga ang pinakamagulo na parte ng buhay ko, isa sa mga magulong parte ng buhay, kasi du’n ko na-experience na ma-bully ako.
“Siguro kung magtatanong kayo kung ano po yung mga na-bully sa akin, yung isa is maliit ako. Tapos, laos na artista raw ako kapag wala akong projects, sinasabihan ako ng mga ganoon,” kuwento ni Ella sa online presscon ng bagong Vivamax original series na “The Seniors” last Monday, Feb. 21.
Kasunod nito, binalikan din ni Ella ang tagpo kung saan bigla na lang daw siyang sinampal ng isang kaklase na nambu-bully sa kanya.
“Sinasabi nila na nakakapasa lang kasi binabayaran ko raw yung mga teacher dahil lagi akong absent.
“One time, I’m just walking sa hallway, biglang kinorner po ako ng mga kaklase tapos bigla nila akong sinampal, out of nowhere, na walang reason talaga. Na-experience ko po yun,” aniya pa.
Hanggang sa lumipat na nga siya ng school pagtungtong ng fourth year high school at dito naging maayos na ang trato sa kanya ng mga kaklase.
“Thank God, nu’ng senior year ko na, fourth year high school, lumipat ako ng school sa Quezon City. Nag-home study ako dahil yun ang time na hindi ko na kayang mag-aral ng regular o pumasok ng regular.
“Du’n ko na-meet yung mga tunay na kaibigan ko, yung friends for life. Sila talaga yung maaasahan mo through ups and downs.
“Dito sa Bulacan, wala akong friends. Pero yung naging friends ko sa Quezon City, they didn’t care na artista ako. Until now, nagtutulungan kami sa mga business,” pahayag pa ni Ella.
* * *
Pak na pak ang high school life sa Pacaque Rural High school kasama sina Ella Cruz, Andrea Babierra, Awra Briguela at Julia Barretto sa bagong youth comedy-drama series mula sa VIVA TV at Project 8 Projects, ang “The Seniors.”
Ito ay binuo at ipinrodyus ng box-office directors na sina Dan Villegas at Antoinette Jadaone at sa direksyon ng young director na si Shaira Advincula-Antonio.
Fresh mula sa kanyang hit TV series na “Di Na Muli” at horror movie mula sa direksyon ni Brillante Mendoza na “Bahay na Pula,” nagbabalik si Julia Baretto sa mas excting na serye.
Makakasama niya rito ang dancer-actress na si Ella Cruz, ang singer-actress at dating miyembro ng Pop Girls na si Andrea Babierra, at ang actor-comedian na si Awra Briguela.
Ang “The Seniors” ay tungkol sa apat na senior high school students sa isang provincial public high school na sama-samang haharapin ang iba’t-ibang problema sa buhay at pag-ibig. Sa Pacaque National High School, kilala ang IT-trio na “The Certifieds.”
View this post on Instagram
Pinangungunahan ito ni Jennifer (Ella), ang overachiever Student Council President. Kasama niya ang “Muse” ng school na si Nicole (Andrea) at ang school Volleyball Team Captain na si Fifi (Awra).
Consistent sa pagiging star section, naniniwala ang tatlo na sila ang elite students ng kanilang eskwela at dapat ay parati silang magkakasama kahit anuman ang mangyari.
Ngunit sa huling taon ng kanilang high school, maraming malalaking pagbabago ang kailangan nilang harapin. Isa na rito ang pagdating ng maganda at matalinong transferee from Manila na si Diana (Julia).
Sa kanyang pagdating, mas magiging masaya at mas maraming problema ang kanilang haharapin habang pilit na babalansehin ang magandang grades, pagkakaibigan at romantic relationships.
Balikan ang saya at lungkot na kasama ng high school life sa “The Seniors” simula March 20, streaming online sa Vivamax Philippines at iba’t iba pang bahagi ng mundo.
https://bandera.inquirer.net/280251/ella-cruz-may-suot-na-proteksyon-para-hindi-saniban-ng-masamang-ispiritu
https://bandera.inquirer.net/286995/ella-sa-mga-bully-hindi-yan-maganda-mentally-physically-emotionally-sa-taong-bina-bash-nyo
https://bandera.inquirer.net/295366/campaign-color-ng-ama-ni-ella-cruz-walang-konek-kay-vp-leni-farm-hunting-ni-xian-napurnada
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.