Kilalang aktor sakit sa ulo dahil sa nakakaimbyernang attitude; ‘Sana Maulit Muli’ ipapalabas sa Manila Metropolitan Theater

Kilalang aktor sakit sa ulo dahil sa nakakaimbyernang attitude; 'Sana Maulit Muli' ipapalabas sa Manila Metropolitan Theater

HINDI pa rin pala nagbago ang kilalang aktor na hanggang ngayon ay may attitude problem na madalas ireklamo ng kanyang handler noon dahil sila ang napapahamak kapag dumidiretso sa management company ang alaga nila.

Ang dating road manager ng kilalang aktor ay sumuko na at nagpalipat sa ibang artista kaya natira ang handler na napilitang gumawa sa trabaho ng RM dahil nga walang gustong sumalo sa trabaho.

Maraming hawak na sikat na artista ang handler na masasabing mas sikat pa sa kilalang aktor pero namumukod tangi ang huli ang sakit ng ulo nila dahil sa ‘inarte’ attitude nito.

Nagkaroon na ng pag-uusap ang kilalang aktor, ang handler, at ang head ng management company at nagkaroon naman ng compromise, pero pagkalipas ng isang buwan ay back to attitude problem na naman ang una.

“Sumuko na si (handler), pero hindi niya puwedeng bitawan kasi sa kanya in-assign ni (head ng management company) so tiis na lang talaga, minsan nga nagkakasagutan na sila. Kaso sumbungero si (kilalang aktor), feeling entitled parati,” kuwento ng aming source.

In fairness naman kasi dito sa kilalang aktor na may inarte attitude kahit mas maraming sikat sa kanyang aktor din ay nag-aakyat naman siya ng malaking pera sa kumpanya dahil sa kaliwa’t kanan niyang product endorsements at super mahal ang talent fee niya, huh.

Pero dahil maraming baguhang aktor ngayon na mas mura ang talent fee kumpara sa kilalang aktor ay hindi na siya mabenta sa ad agency lalo’t alam na rin ang inarte attitude niya.

Nagkaroon ng pagbabago sa patakaran ng talent management na kinabibilangan ng kilalang aktor, nag palit-palit ng handler at tuwang-tuwa ang huli dahil finally nakakawala na siya sa alaga niyang ilang taon niyang pinagtiisan.

“Naku, nagyaya nga ng inuman si (handler) nu’ng nawala sa kanya si (kilalang aktor) kasi nabunutan daw siya ng maraming tinik as in marami, ha, haha. Ang saya-saya nga,” sambit ng kausap naming.

Sa kasalukuyan ang present road manager at handler ng kilalang aktor ang namumublema ngayon dahil akala nila ay nabago na ang ugali nito dahil alam niya ang dahilan din kung bakit binitiwan siya ng dating handler kumpara sa iba na hindi naman.

“Walang pagbabago besh, inarte pa rin ang lolo mo, feeling talaga as in. Hindi ko nga alam bakit ganyan ugali n’yan as if ipinanganak with golden spoon,”pahayag ng source namin.

Xxxxxx

Kaisa ang Sagip Pelikula ng ABS-CBN Film Restoration at ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pagpapalabas ng restored Pinoy classics nang libre sa “Mga Hiyas ng Sineng Pilipino” sa Manila Metropolitan Theater (MET) simula Pebrero 20 (Linggo).

Ipapalabas muli ng mga natatanging pelikulang Pilipino noon sa pinilakang-tabing, na sinagip at pinaganda para mapanood muli ngayon at sa susunod pang mga panahon.

Kabilang sa mga ipalalabas ang award-winning 1995 romantic-drama hit ng Star Cinema na “Sana Maulit Muli” tampok sina Aga Mulach at Lea Salonga.

Mapapanood muli ng madla ang pag-iibigan nina Jerry (Aga) at Agnes (Lea) at kung paano susubukin ang kanilang relasyon matapos mag-abroad si Agnes para makasama ang nawalay na ina habang gugugulin naman ng binata ang sarili sa pagtatrabaho para sa kanilang kinabukasan. Matapos ang ilang mga hamon, hindi nagtagal ay naghiwalay ang dalawa pero desidido si Jerry na sundan si Agnes sa Amerika para magsimulang muli.

Ihahatid din ng FDCP at ng Philippine Film Archive (PFA) ang ilan pang mga digitally restored na obra noon, tulad ng “Dalagang Ilocana” (1954) na pinagbidahan nina Gloria Romero, Dolphy, Ric Rodrigo, at Tita de Villa sa direksyon ni Olive La Torre; at “Pagdating sa Dulo” (1971) na pinangunahan ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ishmael Bernal tampok sina Rita Gomez, Eddie Garcia, Vic Vargas, Rosemarie Gil, Ronaldo Valdez , at iba pa.

Mapapanood din nang libre sa darating na Linggo ang “Dalagang Ilocana” ng 10 AM, “Pagdating sa Dulo” ng 1:30 PM, at “Sana Maulit Muli” ng 3 PM.

Para makakuha ng libreng tickets kada pelikula, magparehistro online sa bit.ly/DLsaMET para sa “Dalagang Ilocana,” bit.ly/PSDsaMET para sa “Pagdating sa Dulo,” at bit.ly/SMMsaMET para sa “Sana Maulit Muli.” Paalala rin sa mga manonood na sundin ang health at safety protocols sa loob ng tanghalan.

Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).

 

Related Chika:
Kitkat nakipagsagutan sa basher: Ako na pinagmumura, pinagduduro…ako pa may attitude?
Aktres na sikat noong ’80s may attitude problem; feeling magaling pero puro pa-cute lang ang alam

Read more...