MASAYANG sinalubong ng kanilang “It’s Showtime” family ang mag-asawang sina Vice Ganda at Ion Perez ngayong araw, February 16.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay naramdaman na ng dalawa ang tunay na kalayaan buhat nang ihayag nila sa publiko ang naganap na commitment wedding ceremony nila sa Las Vegas nitong October 2021.
Sobrang saya ang nararamdaman ni Vice dahil finally ay naibahagi rin niya sa madlang pipol ang matagal na nilang inililihim.
Aniya, bago pa man ang pandemya ay engaged na sila ni Ion.
“Actually matagal na naming… Lagi na naming pinag-uusapan ‘yung mga plano namin kasi, first time naming ire-reveal. Nag-propose si Ion sa akin, February 21, 2020,” masayang pagbabahagi ni Vice sa kanyang Showtime family.
Kwento pa ni Ion, ang kanyang mga co-hosts at kaibigang sina Teddy Corpuz at Jugs Jugueta ang mga nakakaalam sa kanyang planong pagpo-propose.
Bagamat isa itong magandang balita ay pinili ni Vice na ilihim ito sa publiko at sa iba pa nilang mga kaibigan maski sa mga big boss ng Kapamilya network gaya nina Cory Vidanes dahil natatakot siya na baka marami ang sumira sa napakahalagang pangyayari sa kanyang buhay.
“Nu’ng nag-propose siya, sobra akong takot na takot. Lahat ng mga videos ng kaibigan namin (na nasa bahay) pinabura ko talaga kasi ayokong lumabas tapos umiiyak siya.
“Sabi niya, ‘Bakit ayaw mong sabihin sa kanila?’ Kahit kila Tita Cory, tinago ko. Sa lahat tinago ko. Sabi ko, ‘Sobra akong natatakot na bababuyin lang ng tao itong isang bagay na napakaganda sa akin. Tama na ‘yung tayo lang ‘yung nakakaalam,'” pagkukwento ni Vice.
Ayaw daw niyang dumating sa point na kapg nalaman ng mga tao na babastudin at tatawanan lang sila ng mga tao dahil labis itong magiging masakit para sa kanilang dalawa.
Mabuti na lang raw ay may isa siyang anak-anakan na hindi nakapagbura ng video kaya labis ang tuwa nila nang balikan nila ang isa sa kanilang pinakamasayang moments together.
Matapos nga ang proposal ay napag-uusapan na nila Vice at Ion kung paano nila gagawin, o kung kailan, hanggang sa inabutan na sila ng pandemic.
“Pero sabi ko talaga, tutal meron nang tao na nag-offer sa akin ng sarili niya, ng buhay niya,na makasama ako ng habang buhay. Gusto ko nang maranasan rin ‘yung kasal,” pagbabahagi ni Vice.
Dati kasi, sa tuwing maiinterview o matatanong siya ng mga tao sa kanyang opinyon ukol sa same sex marriage ay lagi niyang sinasabi na support siya sa mga kaibigan niya na nagpapakasal pero kung siya ang magpapakasal ay mukhang malabong mangyari.
“It’s not for me. Hindi ko ‘yun nakikitang gagawin ko. Pero noong nag-propose si Ion, gustong-gusto ko na. Gusto ko nang maranasan sa kanya. Tapos sabi ko, minsan lang may mangyayaring ganito sa buhay ko.”
Kaya naman nais niya sana na ito ang pinakamalaki at pinakabonggang kasalan na masasaksihan ng buong Pilipinas kaso nga lang ay nagkaroon ng pandemic.
“Sabi ko nga, kahit hindi na siya i-acknowledge ng batas sa Pilipinas, wala akong pakialam. I just want to celebrate our love for each other sa harap ng mga taong nagmamahal sa amin. Sa lahat ng mga fans namin kaya gusto ko engrande pero since may pandemic, hindi na matutuloy.
Tama naman si Vice dahil ayon sa nakausap naming abogado na si Atty. Gideon V. Peña, walang legal effect sa Pilipinas ang naging pagpapakasal nila ni Ion.
“The marriage between Vice and Ion is purely ceremonial and has no legal effect in the Philippines.
Under Article 15 of the Civil Code, “Laws relating to family rights and duties, or to the status, condition and legal capacity of persons are binding upon citizens of the Philippines, even though living abroad.” As such, regardless of where a citizen of the Philippines might be, he or she will be governed by Philippine laws with respect to his or her family rights and duties, or to his or her status, condition and legal capacity.
Accordingly, in the absence of a Philippine law recognizing same sex marriage, the marriage between Vice and Ion (both Filipinos) cannot be recognized here,” pagpapaliwanag ng abogado.
Pero para kila Vice, ang importante ay ang kanilang nararamdaman para sa isa’t isa kaya naman nang nagkaroon na sila ng paglakataon na magpakasal nang nasa Las Vegas sila ay agad na nila itong ginawa.
Wala silang kaplano-plano at kaalam-alam kung paano ang mangyayari. Nag-book lang sila at mabuti na lamang ay may isang slot pa chapel.
Kwento pa nila, wala silang damit para sa ceremony at bumili na lamang sila ng singsing sa isang shop na nagkakahalaga ng 5 dollars para lang matupad na ang kanilang pangarap na pag-iisang dibdib.
“Parang dinedma ko na yung pangarap ko na bongga ‘yung singsing ko, bongga ‘yung damit ko. Parang wala na akong pakialam. At this point, kahit walang tao, kahit wala na ‘yung kaibigan ko. Ang mahalaga na lang ay kami. Nandon siya, nandon ako.”
Labis labis naman ang saya ng mga taong nagmamahal kila Vice Ganda at Ion Perez sa panibagong yugto ng buhay nila na tatanda silang magkatuwang sa buhay.
Pero para kay Vice, mas natuwa at nagulat siya nang buong Pilipinas ay nag-celebrate sa kanilang pag-iibigan dahil hindi niya ito inaakala.
“I was just happy na ang daming nagmamahal sa aming dalawa at ang daming nagmamahal sa atin. Doon na ako naiyak. Wala naman ito, e. Share lang namin para wala na rin kaming tinatago, wala na rin kaming ikinikimkim pero for it to be celebrated by the entire Philippines, sa pakiramdam ko, it was overwhelming at ang sarap sarap na makaramdam ng ganong pagmamahal hindi lang sa aming dalawa kundi pati sa lahat ng taong nakakakilala sa aming dalawa,” masayang saad ni Vice.
Related Chika:
Vice, Ion 3 years nang magdyowa: I love you Noy! And I love winning in life with you!
Vice dinenay na nagpakasal na sila ni Ion, hindi pa rin pinapatanggal si ‘junjun’