“NAGDESISYON na po ako (hindi nag-renew ng kontrata sa GMA). Ibig sabihin hindi ko kayang gawin na magtrabaho sa GMA samantalang gumagawa ako ng programa na makakatapat ng GMA. hindi ko po gagawin ‘yun, napakalaki ng utang na loob ko sa GMA,” ito ang parte ng pamamaalam ni Willie Revillame sa sa mga viewers ng “Wowowin: Tutok to Win” sa loob ng anim na taon at walong buwan.
Ipinakita ni Willie sa telebisyon ang draft ng contract renewal niya sa GMA 7 para sa programa niyang “Wowowin” na tatagal sana hanggang 2023, pero hindi niya ito pinirmahan.
“Matagal na po itong nandito sa akin, hindi ko ito mapirma-pirmahan kasi ho hindi ko pa alam ang desisyon ko sa buhay ko. Ito po ‘yan. Kaya ‘yung mga nagsasabing walang kontrata, huwag ho kayong maniniwala kung kani-kanino, sa akin kayo maniwala. Hindi ko po ito ipinagyayabang pero ito ay more than a month nasa akin na ito.
“Actually po ang kontrata three months before inaalam na ng kumpanya kung magre-renew ka pa. Nakiusap po ako nu’ng after ng pandemic, 6 months lang ang hiningi ko at ibinigay nila sa akin kasi sabi ko hindi ko alam, then after the 6 months natapos na po ‘yung February (2021), binigyan nila ulit ako ng 1 year (2022) at ito po binigyan ako, hanggang 2023 po ito. Nakatago lang po sa akin,” paglilinaw ng TV host dahil sa kumalat na wala siyang kontrata sa Kapuso network.
Inamin ni Willie na umaga ng Pebrero 2, Miyerkoles nasa bahay niya sa Tagaytay ay tumawag ang secretary ni dating Senator Manny Villar na gusto siyang kausapin at tumawag nga raw ang ito at sinabing pupuntahan siya sa Tagaytay.
Nagpaluto raw si Willie dahil inimbita niya ng pananghalian sina (dating) Senador Manny at anak nitong si Congresswoman Camille Villar at saktong 1:30PM dumating ang mag-ama.
“Ito po ang totoo nag-usap po kami ni (dating) Senator Villar, sabi niya, ‘may frequency, may franchise puwede na.’
“Sabi ko, ‘ano po bang plano n’yo?’ Wala pa siyang plano, zero kasi wala raw siyang alam sa industriyang ito that’s why kinakausap niya ako. Sabi ko, ‘mabigat po ‘yan kasi una sa lahat , ano kailangan natin lalabas kayo ng frequency wala kayong transmitter.
“Wala pong transmitter, eh. ‘Yun po ang nagbibigay ng signal sa buong Pilipinas, so problema po ‘yan.
“Isa pang problem, wala naman tayong concept, wala rin tayong content ng programa magmula sa umaga hanggang medaling araw, ano ipapalabas? Zero na naman?
So napag-usapan po lahat ‘yan at nagkakuwentuhan tungkol sa anong nangyari.
“At para malaman n’yo lang, wala pa hong plano kasi pinag-aaralan po ng kanyang pamilya (Villars). Pinag-aaralan rin ho ng kanyang anak na si Sir Paolo. Kasi nu’ng una po sabi niya puwedeng kayo ni Paolo ang mag-usap diyan, mag-usap kayo kung paano gagawin,” pahayag ni Willie.
Si Ginoong Manuel Paolo Villar ang kasalukuyang President at CEO ng Vista Land and Lifescapes, nagtapos ng kursong Bachelor of Science degree in Economics and Bachelor of Applied Science in 1999 sa Wharton School of the University of Pennsylvania, Philadelphia, USA.
Sa pagpapatuloy ni Willie, “Ang katotohanan po wala pang plano pa kasi una, hindi po ganu’n kadaling magbukas ng isang channel sa isang frequency. San ang studio nila? Saan magso-show, walang ilaw, walang ganito (complete package of studio).
“Hindi po ganu’n kadali, it will take time, ‘yan po ang totoo.
“Ngayon ‘yung sinasabi ninyong may kinakausap kaming artista, may kinakausap na kaming lahat may sinasabi kinukuha si ganito, hindi po totoo ‘yan.
“Ako po ang makikipag-usap kahit kanino at hindi ko po ‘yan gagawin hanggang wala na ako sa GMA 7. At wala pa kaming usapan kung ano ang deal naming ni Manny Villar.”
Inamin din ng TV host na sobrang bigat ng pakiramdam niya dahil ang isang paa ay naka-move forward samantalang ang isa ay hindi niya maigalaw, ang bigat. Walang naging problema si Willie sa GMA sa loob ng 6 years at 8 months at napamahal siya sa mga tao roon.
Klinaro rin ang larawang na-post na magkakasama sila ng dating senador Manny at Congreswoman Camille, “pinost ko ‘yun hindi dahil nag-uusap kami (tungkol sa bubuksang station). Nag-usap kami about friendship, mga pinagdaanan naming sa buhay, nu’ng nangangapanya siya. Siya po ang nagbigay sa akin ng Wil Tower, akin po ‘yung siya nagtayo (building). ‘Yun po ang regalo niya nu’ng down na down kami na ang daming bawal nu’ng tumatakbo siya bilang presidente.
“February 3 po tumawag na sa akin si Sir Joey Abacan at tinanong na ‘yung kontrata at nag-zoom meeting kami at naluha at naiyak ako at nasabi ko na hindi na ako makakapirma ng kontrata at nagulat siya!
“Sabi niya (Joey), ‘Anong nangyari Willie? Wala naman tayong problema? Bakit lilipat ka?’ Sabi ko, ‘Hindi. Hindi ko kayang pumirma sa GMA tapos nagta-trabaho ako sa ibang channel, hindi ko gagawin sa inyo ‘yun. Kinabukasan sumulat po ako kay FLG (Felipe L. Gozon).”
Malungkot ang nilalaman ng sulat ni Willie na nagpapaalam na siya sa GMA 7 at pinasalamatan niya ang lahat ng executives sa magandang trato sa kanya lalo’t pinagbuksan siya para makabalik muli sa telebisyon.
Si Atty. Gozon din ang nag-payo kay Willie na hindi pa siya hinog para pasukin ang politika dahil inimbitahan siya ni Presidente Rodrigo Duterte na kumandidatong senador ngayong eleksyon at sinunod niya ito at nagpasalamat siya nANg husto.
Ang parte ng sulat ni Willie dated February 4, “FKG, nandito po ako ngayon sa sitwasyon ng buhay ko na may magandang opportunity na darating na magiging parte po ako ng isang kumpanya na nandiyan po ako at nandiyan po ang aking kaalaman which is TV broadcasting at entertainment. Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo kaya po ako sumulat para ipaalam sa inyo ang aking pinagdadaanan.
“FLG sana po maintindihan ninyo na hindi habangbuhay ay ako ay haharap sa telebisyon bilang isang TV host. At itong pagkakataon na ito ay dumating sa aking buhay ay isang pangarap. It’s a dream para sa isang taong katulad ko na nagsisimula mula sa industriya bilang naging drummer at extra.
“Hating-hati po ang aking damdamin at nararamdaman, FLG. Anuman po ang magiging desisyon ko, hindi ko kayo makakalimutan sa aking buhay.”
Sa huling araw ng pag-ere ng “Wowowin: Tutok to Win” sa GMA 7 kaninang 5-6:30PM ay ipinakita ang mga past episodes sa loob ng 6 years and 8 months na maraming tao o pamilyang natulungan ni Willie, maraming binago ang buhay, pamamahagi ng ayuda sa mga sundalong taga-Marawi na nabigyan ng bahay, mga nag-aagaw buhay dahil na hindi makabili ng gamot ay ipina-ospital lahat.
Sa panahon ng pandemiya ay namahagi ang TV host ng truck – truck ng bigas para sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdown. Mga jeepney drivers na hindi maka-biyahe dahil ipinagbawal, mga nasalanta ng bagyong Rolly sa Catanduanes na personal niyang pinuntahan at huli ang bagyong Odette sa Siargao.
At abut-abot ang pasalamat niya sa lahat ng sponsors niya dahil hindi naman niya ito magagawa kung walang tulong ang mga ito pati na ang mga cameramen niya at iniregalo na niya ang mga TV monitor na nasa studio.
Teary eyed si Willie habang pinapanood ang mga episodes na ito dahil iniisip niya paano ang mga taong nanonood ng “Wowowin” kapag huminto na siya. Pero sinigurado niya na tuloy ang programa pero sa YouTube at FB live na ito mangyayari habang inaayos pa niya ang lahat para sa bubuksang channel ng All Media Broadcasting System o AMBS.
At ang huling sabi ni Willie, “Babalik ako. ‘Yung mga nawalan ng trabaho ibabalik ko kayo! See you soon. Itong programang Wowowin ipagdasal n’yong tuloy-tuloy tayo. GMA, I love you. See you.
Related Chika:
Willie sa paglipat nina Bea, John Lloyd at Pokwang sa GMA: Pabayaan natin kung saan sila masaya…
Willie atras na sa 2022: Hindi ko pa kayang gumawa ng batas, baka sayang lang ang boto n’yo sa akin