Herlene Budol hindi kumita sa mga naunang vlogs: Nakakalungkot lang isipin kasi kahit kani-kanino ako nagtiwala

Herlene Budol hindi kumita sa mga naunang vlogs: Nakakalungkot lang isipin kasi kahit kani-kanino ako nagtiwala

AMINADO ang komedyanteng si Herlene Budol na mas kilala bilang si “Hipon Girl” na wala siyang kinikita sa mga nauna niyang vlog na inilabas sa YouTube dahil niloko siya ng pinagkatiwalaan niya.

Sa kanyang Facebook post isiniwalat ng dalaga ang totoong pangyayari sa kanyang sahod sa pagba-vlog.

“Marami akala mayaman na ako dahil maraming views at daming subs (subscribers) ang Hipon Girl n’yo. Pero ang totoo wala ako nakukuha ni singkong duling mula nagsimula ang channel ko.

“Nakakalungkot lang isipin kasi kahit kani-kanino ako nagtiwala at binigay ko mga password para maka-access sila tapos kinahoy lang ang sahod ko,” malungkot na saad ni Herlene.

April 2020 nang pasukin ng dalaga ang pagba-vlog at sa ngayon ay mayroon na itong mahigit 1.5 million subscribers at accumulated 22.4 million views.

Ang tema ng vlogs ni Herlene ay mga kaganapan sa kanyang buhay at mga collab challenges sa mga artista at kapwa YouTubers.

Ang pinakamataas na views sa kanyang vlog ay ang “Unboxing Gucci” na iniregalo sa kanya ni Alex Gonzaga na bago niya makuha ay sandamakmak na luha muna ang kanyang inubos dahil sa pagpa-prank sa kanya ng actress-vlogger.

Kaya naman sobrang saya niya ngayon nang makapag-open na siya ng dollar account kung saan doon na mismo didiretso ang kita niya sa pagba-vlog.

“Answered prayer dumating na ang bago kong manager at inaayos lahat nv kailangan ayusin na walang kapalit,” pagpapatuloy ni Herlene.

Ang bagong talent manager na tinutukoy ng dalaga ay si Wilbert Tolentino na manager rin ng viral online seller at dating “Pinoy Big Brother” celebrity housemate na si Madam Inutz.

Unang nakilala si Herlene sa bilang contestant ng “Wowowin” noong 2019. Marami ang naaliw na netizens sa nakakatuwang sagot ng dalaga sa show kaya naman agad itong nag-viral sa social media at kinalaunan ay naging parte rin ng “Wowowin” na nawala rin nang magkaroon ng pandemic.

Muli namang nagbabalik telebisyon ang dalaga dahil magiging parte ito ng Kapuso teleserye na “False Positive” na pagbibidahan nina Glaiza De Castro at Xian Lim.

Related Chika:
Herlene Budol bawal pang makipag-kissing scene: Hindi pa ako masyadong marunong mag-toothbrush!
Wish ni Herlene Budol tinupad ni Jak Roberto makalipas ang 4 na taon

Read more...