CHARICE kay ALYSSA QUIJANO: Siya talaga ang nakikipag-away kapag may nananakit sa akin!
Matindi talaga ang relasyon nina Charice Pempengco at Alyssa Quijano. Kung ang kasalukuyan nilang relasyon ang tatanungin ay hindi ‘yun basta-basta samahan ng nangyayari sa showbiz.
Seryosohan na ang kanilang pagmamahalan, dumating na ‘yun sa puntong nagpapatayo na sila ng bahay ngayon, hindi na biro-biro ang nakikita naming pagtuturingan ngayon nina Charice at Alyssa.
At matindi ang malasakit ni Alyssa sa magaling na international performer, kapag may mga nangba-bash sa kanyang mahal ay ito ang sumasagot, ayaw na ayaw nitong nasasaktan si Charice.
Kaya naman ganu’n na lang ang ginagawang pagbabalik ni Charice ng pagmamahal sa singer, ginagawa niya ang lahat para mapaligaya si Alyssa, kapag nasa ibang bansa nga siya para sa pagtupad ng kanyang trabaho ay nagliliyab ang linya ng kanilang telepono sa pangungumusta sa kanyang mahal.
“Nakakatuwa nga. Kapag may mga taong hindi masaya sa relationship namin, siya talaga ang nanggigigil. I told her that we can’t please everyone, pero ayaw niya talaga kapag may mga nagsasalita tungkol sa akin ng mga ikasasakit ng loob ko.
“Ang palagi niyang reason, e, bakit daw ganu’n, hindi naman ako kilala ng mga taong ‘yun, pero kung makapambira, e, para bang they really know me na from head to toe.
“So, siya talaga ang affected, siya ang sumasagot, siya ang nagpapaliwanag, siya ang nakikipag-away!” natatawang kuwento ni Charice tungkol sa pagmamahal-pagmamalasakit sa kanya ng dalaga.
Pagkatapos nilang kumanta ni Charice sa programa nina Sharon Cuneta at Ogie Alcasid ay bumalik na sila sa dressing room. Sa paglakad nila sa pasilyo ay agad na kinuha ni Charice ang kamay ng dalaga, saka sila naglakad habang naglalambingan na para bang silang dalawa na lang ang natitirang tao sa ibabaw ng lupa, ang nagagawa nga naman ng pag-ibig.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.