Depositors na nawalan ng pera sa bank hacking, hinikayat na magreklamo sa BSP
Dapat magsampa ng reklamo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga depositors na nabiktima ng computer system hacking, ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor.
“May mekanismo ang BSP upang alalayan ang mga depositors na nabiktima at hindi nakakakuha ng patas na pagtrato ng kanilang banko” ayon sa pahayag ni Defensor ngayong Lunes.
Hindi umano maaring gawing dahilan ng mga bangko ang blanket liability disclaimers para hindi maibalik ang pera ng mga depositors.
Idiniin ni Defensor na hindi maaring ipatupad ang blanket liability disclaimer kung ang dahilan ng pagkawala ng pera ay hindi kasalanan ng mga depositors.
“Kung ikaw ay depositor na walang kasalanan at nawalan ng pera dahil na-hack ang computer system ng iyong banko at ilgal na nalipat ang iyong pera, ang banko mo ay walang magagawa kundi ibalik ang perang nawala,” ani Defensor.
“Ang mga malawakang liability disclaimer ay maaring pawalan ng bisa ng regulators o kaya mga korte kapag napatunayan na nawalan ng pera ang mga walang kasalanang depositors dahil sa security breaches ng computer systems ng mga banko,” dagdag pa ng kongresista.
Hinihikayat ni Defensor ang mga biktima ng hacking na magpadala ng e-mail sa BSP Consumer Assistance Desk sa [email protected], o kaya ay puntahan ang sumunod na link.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.