TULAD ng pamosong linya na “O pag-ibig, pag pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang”, pinatunayan ng ilang kilalang celebrities na walang makapipigil sa dikta ng kanilang mga puso.
Hindi naging hadlang ang patuloy na banta ng nakahahawang sakit na COVID-19 sa ating bansa sa pagmamahalan at pagpapakasal ng mga showbiz couple sa Pilipinas.
Mapa-intimate man o magarbong kasalan, siguradong pinag-usapan ng mga “Marites” at mga “Mosang” ang mga kasalang ito.
Narito ang mga celebrities na nag-trending ang kasal sa social media ngayong 2021.
Angel Locsin at Neil Arce
Marami ang nagulat matapos ang anunsyo nina Angel Locsin at Neil Arce sa dulo ng kanilang YouTube vlog na tuluyan na silang nagpakasal.
Nalusutan ng dalawa ang mga “Marites” at “Mosang” dahil walang nag-akala na itutuloy nila ang kasal ngayong 2021 matapos itong mapurnada noong 2020.
Nagulat rin ang madlang pipol dahil ang bali-balita ay magiging magarbo ang kasal ng aktres dahil hindi nito naranasan ang pumunta sa prom o ang magkaroon ng debut.
Pero malay natin, may part 2 ang wedding.
Naganap ang kanilang civil wedding noong July 26 na officiated ni Taguig City Mayor Lino Cayetano at dinaluhan naman ng kaibigan niyang si Dimples Romana at asawa nitong si Boyet Ahmee.
Simple lang rin ang suot ng dalawa na naka-jeans, white top, at sneakers.
Pebrero 2018 nang aminin ng dalawa sa publiko ang kanilang relasyon at Hunyo 2019 naman nang ma-engage sila.
Jennylyn Mercado at Dennis Trillo
Masayang ibinahagi ng Kapuso stars na sina Jennylyn at Dennis ang pagkakaroon nila ng baby nitong Oktubre 2021 kasabay rin ng anunsyo na magpapakasal na sila.
Happy ang madlang pipol dahil sa tagal na nilang magkarelasyon ay finally, ikakasal na ang dalawa at may bagong addition pa na baby girl sa kanilang munting pamilya.
Intimate rin ang naging civil wedding ng dalawa na dinaluhan ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
Marami mang nangyaring aberya sa kanilang special day base sa kanilang YouTube vlog gaya ng isang oras na delay at ang maling wedding ribg box pero “Tuloy ang kasal!” gaya ng sinabi nila.
Jessy Mendiola at Luis Manzano
Naging usap-usapan rin ang pagpapakasal nina Jessy Mendiola ag Luis Manzano na ginanap sa The Farm at San Benito, Batangas.
Tanging 20 katao lamang ang naging invited sa pag-iisang dibdib ng dalawa.
Sa katunayan ay naging meme pa nga ang litrato ng TV host-actor na umiiyak habang naglalakad sa aisle ang kanyang howhow na si Jessy.
Nagsimula ang relasyon ng dalawa noong 2016 at na-engage noong December 2020.
Sa ngayon ay nagpaplano at sumusubok na ang dalawa na bumuo ng pamilya at magkaroon ng baby.
Kris Bernal at Perry Choi
Isa rin sa mga pinag-usapang wedding ngayong taon ay ang kasal ng aktres na si Kris Bernal at ng businessman na si Perry Choi.
Ilang beses na kasing napurnada ang kanilang pinaplanong kasal dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nais kasi ni Kris na maging special ang kanyang wedding day at makadalo ang lahat ng taong malapit sa kanilang mag-asawa kaya na-move nang na-move ang kasalan na originally ay Mayo.
Pero kahit na nagkaroong muli ng problema dahil sa pagkakaroon ng Delta variant ay itinuloy na ng dalawa ang kasal at nagkaroon pa ng livestreaming para sa mga kaanak at mga tagasuporta na nais ma-witness ang pag-iisang dibdib ng dalawa.
Apat na taon ring magkarelasyon ang dalawa bago sila ikinasal nitong Setyembre 25 sa St. Alphonsus Mary de Liguori Parish sa Makati.
Ritz Azul at Allan Guy
Sino ba naman ang hindi mapapa “sana all” sa kasal ni Ritz Asul sa kanyang non-showbiz dyowa na si Allan Guy?
Bukod sa ito ang kanyang first and last boyfriend, twice rin silang ikinasal!
Unang naganap ang intimate wedding sa Baguio noong Nobyembre 2021 at muling nasundan ng kanilang dream beach wedding sa Palawan noong December 12, 2021.
Kwento ni Ritz, ang Palawan wedding talaga ang kanilang dream wedding pero para makadalo ang mga espesyal na tao sa kanilang buhay gaya ng lola ni Allan ay nag-desisyon silang magpakasal sa Baguio.
June 2020 nang ianunsyo ni Ritz na engaged na sila ni Allan.
Carla Abellana at Tom Rodriguez
Iba rin naman ang Kapuso stars na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez na ikinasal noong Oktubre 2021 sa San Juan Nepomuceno Parish sa Batangas.
Marso 2021 nang ianunsyo ng dalawa na engaged na sila ngunit nangyari talaga ang mismong engagement noong Oktubre 2020.
Usap-usapan rin ang napakagandang gown ni Carla na gawa ni Monique Lhuiller.
Matatandaang talagang iniyakan at ipinagdasal ni Carla ang kanyang wedding gown na mismong binili pa niya sa Amerika.
Halos pitong taon ring magkarelasyon ang dalawa bago sila tuluyang ikasal.
Ellen Adarna at Derek Ramsay
Pasabog rin ang celebrity couple na sina Ellen Adarna at Derek Ramsay na natagpuan ang daan tungo sa isa’t isa sa kasagsagan ng pandemic.
Shookt na shookt ang madlang pipol matapos mag-post ni Ellen Adarna sa social media ng “game over” dahil engaged na nga sila ng aktor na si Derek.
Marami ang nag-akala na hindi ngayong 2021 ang kasal dahil may chika na nais ni Ellen na sa simbahan sa Cebu ikasal pero nagulantang ang lahat nang kumalat na lang ang litrato ng kasal nina Ellen at Derek sa isang private resort sa Bagac, Bataan noong Nobyembre 2021.
At kung nag-trending na kasalan ang pag-uusapan ay talaga namang ang pinaka-kotrobersyal ay ang kasal nina Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) Party-list Representative Claudine Diana Bautista at ng kanyang bestfriend at businessman na si Jose French Lim.
Claudine Diana “Dendee” Bautista at Jose French Lim
Naging instant celebrity na nga ang DUMPER Party-list Representative Claudine Baustista-Lim matapos kwestiyunin ng mga netizens at pati na rin ng mga celebrities ang naging kanyang magarbong kasal niya na ginanap sa Balesin Island.
Marami kasing bumatikos sa kongresista dahil tila naging “insensitive” daw ito dahil hindi man lang naisip ang kalagayan ng mga tsuper sa kasagsagan ng pandemya.
Ilan pa sa mga celebrities na bumatikos sa magarbong kasal ay sina Ogie Diaz, Pokwang, Agot Isidro, at Enchong Dee.
Ngunit paglilinaw ni Congresswoman Dendee ay nanggaling sa kanilang sariling bulsa ang mga ginastos sa kasal at hindi ito mula sa kaban ng bayan.
Umabot pa nga ito sa puntong dinemanda na ng kampo ng kongresista ang Kapamilya actor na si Enchong Dee at umabot pa ng isang bilyong danyos ang hinihingi nito dahil sa diumano’y paninirang puri sa kanya. At nito ngang December 28 ay tinuluyan na ng prosekusyon ang pagsasakdal sa Kapamilya actor ng cyber-libel samantalang ligtas naman sina Pokwang, Ogie Diaz, at Agot Isidro.
Related Chika:
Kris Bernal ‘hulog ng langit’ ang turing kay Perry Choi: Thank you for giving me my dream wedding…
Carla Abellana, Tom Rodriguez ikinasal na!
#Confirmed: Ellen Adarna, Derek Ramsay ikinasal na!