‘Bayaning Tunay’ alay sa frontliners, 25 OPM singers sanib-pwersa para sa mga bagong bayani
UMABOT sa 25 OPM singers ang nagsama-sama para sa kantang “Bayaning Tunay,” isang espesyal na handog para sa mga frontliner na itinuturing na mga natatanging bayani ngayong pandemya.
Nagsanib-pwersa ang mga Kapamilya at Kapuso artists para sa makabuluhang proyektong ito ngayong holiday season para muling iparamdam sa lahat ng frontliners ang pagmamahal at pagpapasalamat ng sambayanang Filipino.
Kabilang sa star-studded project na ito sina Ogie Alcasid, Regine Velasquez-Alcasid, Gary Valenciano, Lea Salonga, Zsa Zsa Padilla, Pops Fernandez, Martin Nievera, Lani Misalucha, Noel Cabangon at Piolo Pascual.
Nandiyan din sina Bamboo, Ely Buendia, Rico Blanco, Erik Santos, Christian Bautista, Jed Madela, Nyoy Volante, Angeline Quinto, KZ Tandingan, Morissette, Klarisse, Janine Berdin, Jason Dy, Sam Concepcion at Lara Maigue.
Ang “Bayaning Tunay” ay nagbibigay-pugay sa tapang at pagsisikap na ipinamalas ng mga frontliner sa gitna ng mga pagsubok.
“Bumababa na ang mga kaso ng COVID-19. Praise the Lord! Huwag nating kalimutan ang mga bayaning tumulong sa atin sa panahon ng pandemya, mga nagtrabaho sa mga ospital, silang mga frontliner,” sabi ni Ogie na siyang sumulat ng kanta bilang year-end gift para sa kanila.
“Last year when we lost our Dad to covid, I witnessed virtually how everyone at the hospital were working round the clock in order for them to save as many lives as they could. To all of you, we want to tell you that we will never forget you and will be forever grateful for your service,” sabi pa ng iconic singer-songwriter.
Ang proyektong ito ay ipinarating niya kay Dr. Tony Leachon, ang chairman ng Kilusang Kontra Covid (KilKoVid), isang civil society group na binuo sa Quezon City bilang tulong sa QC government sa pagpuksa ng COVID-19 virus. Ang KilKovid ay nakipag-ugnayan sa health care workers sector sa tulong ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians upang malaman ng mga manggagamot ang tungkol sa suporta na ito.
Handog ng Star Music ang “Bayaning Tunay” na mula sa areglo ni Homer Flores, mastered ni Tim Recla, at prinodyus ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo katulong sina Ogie at Gary V bilang production consultants.
Pormal na inilunsad ang kanta sa “ASAP Natin ‘To” noong Linggo at ngayon ay napapakinggan na sa iba’t ibang music streaming services.
View this post on Instagram
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.