NATANONG ni Ogie Diaz ang Instagram post ni Jaclyn Jose patungkol kay Andi na bilib siya sa panganay niya kung paano magpalaki ng mga anak.
“Marami akong natutunan sa anak ko, for one, ‘yung pagre-resign [sa showbiz] para sa mga anak, hindi ko kayang gawin ‘yun! Doon ako bilib na bilib sa kanya, ‘yung kinalimutan ang sarili, ‘yung lifestyle? Sosyal ‘yan, eh. Tapos parati niyang sinasabi sa mga post niya na ‘children are the most important thing.’
“Mahal na mahal niya ‘yung tatlong anak niya, grabe! Nu’ng isang araw [nag mall kami] buhat-buhat niya ‘yung dalawa (Lilo at Koa) tapos ang bilis pang maglakad, sporty, eh.
“Wala siyang pakialam sa tao. [Binulungan ko siya], ‘Andi wala ka sa Siargao, nasa Makati ka.’
“’I don’t care!’ sagot ni Andi sa ina. “Ano gagawin ko pahihirapan ko sila (Lilo at Koa) maglakad, e, pagod na?’
“E, naawa akong tingnan [si Andi] saka ‘yung pagkagising hanggang matulog, hands-on siya. Nagbe-breast feed pa, tapos ‘yung isa (Lilo) nangungulit, ang kulit nu’ng isa ko, eh si kulot,” paglalarawan ng Jaclyn sa nakitang pamumuhay ng anak.
Ano naman ang masasabi ni Jaclyn na mas piniling maging ordinaryong tao na ngayon ni Andi kaysa sa harap ng kamera at nagkikislapang mga ilaw pero may bashers pa rin.
“Sana hayaan na lang ‘yung anak ko. Nakikita pa rin kasi (siya) sa Youtube, eh, gusto yata nila huwag na nilang makita at all, “nakatawang sabi ng lola nina Ellie, Lilo at Koa.
“Pero may nabasa akong post ni Andi na, “I need to work because bills doesn’t have emotions, tama di ba?” kuwento ni Jaclyn.
At ang maganda pa raw kay Andi ay hindi na nito gaanong sinasagot ang bashers niya kasi hindi rin siya nagbabasa kahit nu’ng araw hindi nagbabasa ‘yan. Wala akong maalala na mayroon siyang sinagot o nag-text back..wala!
“Pag hindi niya kailangan hindi niya pagkakaabalahan. Kung hindi raw magbibigay sa kanya ng positive vibes wala siyang panahon,” ito raw ang dahilan ng anak.
Samantala, sobrang papuri ang ibinigay ni Jaclyn sa fiancé ni Andi na si Philmar Alipayo dahil nu’ng nag-propose raw ito sa kanyang anak ay sinulatan siya na nangakong hindi sasaktan si Andi emotionally at physically.
“Masarap pakinggan na may taong mahal na mahal ang anak ko!”
Aminado rin si Jaclyn na takot siya sa dalawang anak niya pero higit siyang takot kay Andi.
“Pero mas kay Andi kasi marami nang napatunayan si Andi sa akin na tama siya, eh. sobrang mature saka nahuhusayan ako sa kanyang talino, ina-admire ko ‘yun sa kanya.”
Tinanong naman siyang muli ni Ogie kung ano ang naging pakiramdam niya nang malamang magiging lola na siya. Handa ba siya o hindi?
“Iba, hindi ko muna inisip ang pagiging lola, inisip ko muna, ‘buntis ba siya?’ Kasi hindi ko alam. Hindi [siya] nagsasabi,” say ng aktres.
At kamukha lahat ni Andi ang tatlong anak na sabi nga ni Ogie, “ang lakas ng Guck (apelyido ni Jaclyn).”
“Saka si Ellie, mahal na mahal ko ‘yung batang ‘yun kasi she’s 10, ang fear ko pagdating ng araw kasi in two years lang, magtitingin na ‘yan ng Instagram. Well, nandiyan ang mommy at daddy niya to explain better than me. Si Jake (Ejercito) is a good father also. I’m sure mae-explain nila nang maayos ‘yun.”
Puring-puri ni Jaclyn si Jake kasama ang buong pamilya nito dahil sa sobrang pagmamahal nila kay Ellie.
Tuluyan nang pumatak ang luha ni Jaclyn sa tanong kung paano na ang komunikasyon niya kina Andi at Gwein na parehong wala sa tabi niya.
“Nalulungkot ako lalo na ‘yung bunso, ‘yung lalaki. I can’t get…(basag ang boses)”
Paano ang buhay nito sa araw-araw bilang mag-isa sa bahay at tanging kasambahay ang karamay nito?
“Tiis (sabay punas ng mga mata). Ganu’n ko kamahal ang mga anak ko. Nu’ng time na tinanong ako bakit hindi ako magka-partner, naubusan na kasi ako ng time, eh.
“Kung magkakaroon ako ng katuwang tapos ‘yung anak kong lalaki maiilang o mawawalan ng lugar sa akin, hindi bale na lang. Mas pipiliin ko sila (mga anak) na lang. Gano’n ko kamahal ang mga anak ko. Kahit buhay ko ibibigay ko,” pagtatapat ng aktres.
Naniniwala pa rin si Jaclyn na hinahanap pa rin siya ng mga anak niya at nagkataon lang na gusto nina Andi at Gwein na maging independent sila sa buhay nila.
Inamin din niyang habang kaya pa niyang magtrabaho ay sige-sige lang para makapag-ipon lalo’t nag-iisa siya dahil paano kung magkaroon siya ng karamdaman, sino ang aasahan niya.
Isa pang dahilan kaya siya work nang work, “nakakatanggal din naman (lungkot) lalo na ‘pag naka-lock in ako, I have my extended family. Nakakalimot ka, nalilibang ka. Kasi two years (pang nag-aaral si Gwein). Takot ko baka hindi na umuwi.”
At ipinagtapat din ng aktres na naaapektuhan ang mental health niya, “Alam mo ‘yung umiiyak ka ng walang dahilan? Anxiety, depression, ang hirap. Minsan hindi mo naman sila naiisip, bigla na lang tutulo ang luha mo. tapos you’re depressed, you just don’t know.”
Nu’ng nagkita nga raw sila ni Andi kasama ang mga apo kamakailan ay iyak na siya nang iyak hanggang sa pag-uwi niya ng bahay niya.
“I was so low kasi hindi ko alam kung kailan ko sila makikita ulit.”
Masyado raw kasing mapag-isip si Jaclyn na hindi lang makapag-text ang bunso niya ay kung anu-ano na ang pumapasok sa utak niya na kahit hindi mo i-entertain ay maiisip mo pa rin.
Kaya ang laging panalangin ng aktres, “’Wag magkasakit ang mga anak ko at apo. Lagi silang gabayan ng Ama, ‘wag panghinaan ng loob lalo na’t maraming problema ngayon ‘yang mga mental issue na ‘yan. Natatakot ako baka mamaya dapuan ang bunso ko.”
Sinisisi rin ni Jaclyn ang social media, “kung may advantage ‘yan, mas maraming disadvantage kasi ‘yan ang nagko-conduct ng brain natin, eh. Kaya pag hinayaan natin sila to go to your mind tapos sila ‘yung mananalo? Mali na, tama pa rin, eh. Hindi tayo puwedeng makipag- compete sa social media kawawa ang mga bata.”
Payo rin ni Ogie kay Jaclyn na magpakatatag at ‘wag magkasakit dahil ang mga anak at apo rin niya ay maga-aalala para sa kanya.
Related Chika:
Jaclyn Jose binanatan si Albie; may pakiusap kay Direk Lauren Dyogi
Jaclyn Jose bumuwelta sa Kapamilya director: Hindi po kami basura!