Rita Daniela biglang napaiyak sa presscon ng ‘Huling Ulan sa Tag-araw’; tinawag na ‘partner in life’ si Ken Chan
Rita Daniela at Ken Chan
NAPAIYAK ang Kapuso actress at TV host na si Rita Daniela pagkatapos ng premiere night ng pelikula nila ni Ken Chan na “Huling Ulan sa Tag-araw.”
Ito ang official entry ng Heaven’s Best Entertainment sa nalalapit na Metro Manila Film Festival 2021 na magsisimula na sa Dec. 25, mismong araw ng Pasko, sa direksyon ni Louie Ignacio.
In fairness, hindi lang naman si Rita ang umiiyak habang ipinalalabas ang “Huling Ulan sa Tag-araw” kundi halos lahat ng nakapanood nito sa ginanap na special screening ng movie sa Gateway cinema 1 sa Cubao, Quezon City.
Aaminin ko sa inyo dear BANDERA readers, ilang beses kaming nagpahid ng luha lalo na sa madadrama at tagos sa pusong mga eksena nina Ken at Rita sa huling bahagi ng pelikula.
“Ang pula po ng ilong ko! Hindi po ako makapaniwala, grabe po, na nakagawa po kami ng ganu’n kagandang pelikula.
“Sobrang charming po ng lahat ng characters. As in, parang naging audience po ako kanina. Nakalimutan ko na parte ako ng movie.
“Sobrang…pinanood ko lang yung pelikula. Kasi, ang ganda talaga,” ang simulang pahayag ni Rita sa presscon ng pelikula right after ng screening.
Kasunod nito, tuluyan nang napaiyak ang dalaga at sinabing iniaalay niya sa kanyang ina ang entry nila sa MMFF 2021.
“I’m really, really happy because I think my mom would be so proud of me, and my dad also. So, I’m just so happy po talaga,” lahad ni Rita.
Sabi naman ni Ken, “Ilang beses ko na pong napanood itong movie na ‘to kapag pini-preview po namin ni Direk Louie Ignacio.
“And parang first time ko ulit pinanood yung pelikula ngayon. At sobrang nakaka-proud, kasi hindi po namin akalain na itong pelikula na ito na ginawa namin sa Pagsanjan (Laguna).
“Bawat araw, napakasaya po namin sa set. Hindi po kami na-pressure. Walang stress sa production. Lahat, kahit nasa kalagitnaan ng pandemya nung ginagawa namin ang movie na ‘to… talagang ini-enjoy pa namin ang bawa’t araw na magkakasama kami.
“Gusto lang namin gumawa ng isang pelikula na mai-inspire po ang mga tao. Na may matututunan sila sa kuwento,” pahayag pa ng Kapuso actor.
View this post on Instagram
Kasagsagan ng pandemya noong Agosto, 2020 sinimulan ang shooting ng movie sa Pagsanjan, Laguna. Hindi ito agad naipalabas dahil nga sarado pa ang mga sinehan.
“Itinago po namin ang pelikulang ito. Siguro nga po, talagang… in God’s time. In God’s time!
“At talagang ibinigay po iyan ni Lord sa amin. Sabi Niya, ‘Maghintay kayo dahil may perfect time para sa pelikula na ‘yan.’ At mas gusto ko na mas maraming tao ang makakakita nito. At ito na po ang araw na yun,” sey pa ni Ken.
At dahil nga sa ipinakitang akting ng tambalang RitKen, marami ang nagkomento na hindi imposibleng masungkit nila ang best actress at best actor award.
Reaksyon ni Rita, “Talaga ba? Totoo? Ha-hahaha! Pero alam n’yo po, sa totoo lang, nu’ng nalaman namin na pasok yung pelikula namin sa MMFF, hindi na po kami naghahangad ng ano pa.
“The fact na nakapasok kami sa Magic 8 na tinatawag, sobrang grabeng blessing na yun, as in… yun nga po, laging sinasabi naming it’s been two years, kailan pa po ba namin mapapanood yung pelikula?
“Tapos, biglang, hala, pasok siya sa MMFF. Sa akin naman po, kung will naman po ni Lord talaga. If He thinks that my character is ready to receive an award like that, then thank You so much, Lord.
“Then, kapag hindi naman po, wala naman pong issue. Kasi naman po, napakagaling, napakahusay naman po lahat na aktor na nakasama po sa MMFF and sobrang special po nito talaga.
“And I have to say, I just wanna honor Ken, my partner not just in screen but also in life.
“I don’t think I’d be able to portray something like that and I’d be able to that way, kung hindi siya ang kasama ko,” tugon pa ng Kapuso actress.
Kasama rin sa cast ng “Huling Ulan sa Tag-araw” sina Lotlot de Leon, Richard Yap, Soliman Cruz, Ahwel Paz, Hero Bautista, Lou Veloso at Rachel Jacob. Showing na ito sa Dec. 25 mula sa Heaven’s Best Entertainment.
View this post on Instagram
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.