MNLF inilaglag ni Misuari | Bandera

MNLF inilaglag ni Misuari

John Roson - , September 13, 2013 - 05:34 PM

ITINANGGI umano ni Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari na inutusan niya ang kanyang mga tauhan na salakayin ang Zamboanga City, kung saan patuloy na nakikipagbakbakan ang mga tropa ng pamahalaan sa rebeldeng grupo.
Ayon kay Zamboanga City Maria Isabela Climaco-Salazar, kinausap niya si Misuari noong Miyerkules ng gabi sa paglalayong matigil na ang gulo sa lungsod.
“What is of interest is that, Misuari disowned the actions of Habier Malik, the leader of the hostage-takers with whom I communicated separately,” sabi ni Climaco-Salazar sa isang kalatas.
Sa kabila ng pakikipag-usap kina Misuari at Malik, di pa rin natigil sa pakikipag-standoff ang mga kasapi ng MNLF at kahapon ay muling nakipagbakbakan sa mga tropa ng pamahalaan sa iba-ibang bahagi ng lungsod.
Ayon kay Interior Secretary Mar Roxas, kahapon ay nagpaputok ng mortar ang MNLF kaya nasunog ang isang bahagi ng Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology.
Ito na ang ikatlong sunog sa lungsod mula nang mag-umpisa ang standoff noong Lunes.
Sa pinagtagni-tagning ulat ng pulisya, militar, at lokal na pamahalaan, lumalabas na 15 katao na ang nasawi at 16 na ang nasugatan dahil sa mga sagupaang nangyari sa Zamboanga City.
Tatlong pulis na ang napapatay habang walo na ang nasusugatan dahil sa mga engkuwentro sa MNLF, ayon kay Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.
Hindi pa kasama sa bilang ang napatay na sundalo at pitong kasapi ng MNLF noong Lunes, dalawang sibilyan na napatay ng MNLF nang araw ding iyon, ang napatay na tanod na si Francisco Macrohon, at ang isang sundalo na napatay noong Miyerkules.
Ayon naman sa pamahalaang panglungsod, kahapon ay pumalo na sa 3,115 pamilya o 15,014 katao na ang nagsilikas sa iba-ibang barangay para makaiwas sa mga sagupaan.
Mahigit 100 katao pa rin, kabilang ang paring si Fr. Michael Ufana, ang hostage ng MNLF sa iba-ibang bahagi ng lungsod.
Nanawagan si Climaco-Salazar sa mga hostage-taker na pawalan na ang mga bihag, lalo na ang mga matatanda, may sakit, may kapansanan, at mga bata.
1 todas sa Zambo
‘misencounter’
Samantala, inutusan ng pamahalaang panglungsod ng Zamboanga City ang mga barangay official na magsuot ng tamang uniporme matapos mapatay ng mga tropa ng pamahalaan ang isang tanod na napagkamalang ksapi ng Moro National Liberation Front (MNLF), kamakalawa.
Nasawi si Francisco Macrohon, 52, tanod ng Brgy. San Roque, habang ang anak niyang si Archie, 27, ay nasugatan nang maka-“misencounter” ang mga miyembro ng Task Force Zamboanga, ayon kay Chief Insp. Ariel Huesca, tagapagsalita ng Zamboanga Peninsula regional police.
Naganap ang insidente alas-3:30 ng hapon sa isang gasolinahan sa Brgy. San Roque.
Nakatanggap ang mga miyembro ng Task Force Zamboanga ng impormasyon na may namataang mga armado doon, ngunit ang na-“intercept” ay si Macrohon at ang kanyang anak, na nakikipagbarilan sa isang security guard, ayon kay Huesca.
Armado si Macrohon ng riple, isang kalibre-.45 pistola, 16-pulgadang patalim na kung tawagin ay “barong,” at may suot pang mga anting-anting, ayon sa regional police spokesman.
Nakasuot ang tanod ng itim na jacket at camouflage short pants, habang ang anak niya’y may pulang “turong” (bandana) sa ulo kaya napagkamalan, ayon kay Huesca.
Inamin din ni Mayor Climaco-Salazar na “misencounter” ang nangyari kaya nanawagan sa mga barangay official na magsuot ng tamang uniporme para di na ito maulit.
“Barangay officials are advised to instruct their respective tanods to wear proper uniforms to pre-empt an occurrence similar to what transpired in Brgy. San Roque, where a tanod was shot due to mistaken identity. This is for strict compliance,” ani Climaco-Salazar.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending