‘Bazinga’ ng SB19 number 1 na sa Billboard’s Hot Trending Songs; BTS laglag sa pwesto

SB19 number 1 na sa Billboard's Hot Trending Songs; BTS laglag sa pwesto

UMAARANGKADA ang kantang “Bazinga” ng P-Pop group na SB19 sa Billboard’s Hot Trending Songs.

Mula sa pagiging No. 8 ay biglang talon ang ranking ng kanta ng P-pop group sa number 1 spot na naging dahilan sa pagkalaglag sa pwesto ng South Korean boy group na BTS.

Isang malaking karangalan ito para sa SB19 dahil ito ang unang pagkakataon na naungusan nila sa pwesto ang kanta ng BTS na “Permission to Dance” at “Butter” na ilang linggo na ring naghahari buhat nang simulan ng Billboard ang new chart na “Hot Trending Songs”.

Limang linggo na ring parte ng Hot Trending Songs ang “Bazinga” ng SB19 ngunit ngayon nga ay tuluyang humarurot na papuntang top spot ang kanta ng grupo.

Lubos naman ang pasasalamat ng P-Pop group sa lahat ng mga walang sawang sumusuporta sa kanila.

“Wow! Thank you A’TIN for bringing us to the Top Spot on the Billboard #HotTrendingSongs!” saad ng SB19 sa kanilang Facebook account.

Ang Billboard’s Hot Trending Songs chart ay ang mga most-talked-about songs sa Twitter kada linggo.

Madalas na Asian acts ang namamayagpag sa listahan gaya na lamang ng BTS, Lisa ng BlackPink, Enhypen,  Mew Suppasit, Stray Kids, Dimash Kudaibergen, at syempre ang SB19.

 

Related Chika:
SB19 bitbit ang bandera ng Pinas sa buong mundo: Kaya ayaw namin ng puchu-puchu na performance

SB19 humakot ng trophy sa Myx Music Awards 2021; Ben&Ben, Michael Pacquiao winner din

Read more...