MAY babala ang dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mga netizens na maaari silang maharap sa isang criminal case kung patuloy nilang aakusahan ng walang ebidensya si Kris Aquino ng pagnanakaw sa mga alahas ni Imelda Marcos.
“Criminal case na po ang maaaring harapin niyo sa pagbibintang na ginamit ni Kris Aquino ang alahas ni Imelda na ayon sa Supreme Court ay galing sa nakaw na yaman. Bangko Sentral ng Pilipinas at PCGG na po ang nagsabing imposible ito,” saad ni Sereno sa isang Facebook post.
Naglabas na ng warning ang abogado kasunod ng muling paglabas ng mga posts na naglalaman ng mga pekeng impormasyon patungkol kay Kris Aquino.
Dagdag pa ni Sereno, mangangalap ang kanyang team ng mga screenshots ng mga posts at comments tungkol rito.
“Simula ngayon, kukuhanan na namin ng screenshots ang lahat ng magko-comment ng ganito, pati ang profile details niyo, at ipadadala sa Bangko Sentral, sa PCGG, at sa sinisiraan niyong tao.
“Dalawang government institutions po at isang individual ang sinisiraan niyo. Paano po niyo sinisiraan ang PCGG at Bangko Sentral?
“Dahil po sa ilalim ng batas, hindi nila maaaring galawin at ipagamit sa maling paraan ang mga assets na ipinagkatiwala sa kanila, gaya ng mga alahas na nasamsam na ill-gotten wealth.
“In effect, inaakusahan niyo ang PCGG at Bangko Sentral ng paglabag sa batas.
Dati po ay dinadaan lang natin sa paliwanag na walang basehan ang akusasyon nila kay Kris Aquino, Bangko Sentral ng Pilipinas, at sa PCGG.
“Ngunit hindi po tumitigil ang ganitong mga masasamang bintang at krimen po iyan. Kaya’t iipunin na po namin ang mga screenshots ng ganitong mga comments at ipadadala sa kinauukulan.
“Nasosobrahan na po ang pagiging kriminal ng mga gawain niyo,” pagpapatuloy ni Sereno.
Nakiusap rin ang abogado sa mga netizens na i-report o i-forward sa kanila ang anumang mga posts ukol sa online claims kay Kris.
“‘Yung mga may resibo ng ganitong comments, paki-forward po by pm sa akin, and I will forward. Gawin po natin itong activity laban sa iresponsableng paggamit ng salita. Salamat po.”
Ilang taon na ring kumakalat ang balitang ito bagay na matagal nang itinanggi ni Kris Aquino noong 2016.
“The necklace I wore was made from cubic zirconia and silver – hindi po DIAMONDS (not diamonds). In other words, fake sila although Bottega Veneta naman,” paglilinaw ni Kris.
“Enough! And the TRUTH is on my side – including credit card receipts,” dagdag pa nito.
Related Chika:
True ba, Kris isinuot sa nakaraang APEC ang nakumpiskang kuwintas ni Imelda?
Noynoy Aquino may request kay Mel Sarmiento para kay Kris: ‘Ibinilin ni Sir na alagaan ka’