Dennis, Jennylyn natensiyon nang sabihin ng doktor na: ‘Looks like you’re having threatened abortion’
Jennylyn Mercado at Dennis Trillo
IBINALITA ng Kapuso Ultimate Star na si Jennylyn Mercado sa kanyang fans and supporters na nalagay sa peligro ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan.
Ayon sa aktres, na-diagnose siya ng “threatened abortion” noong ikawalong linggo ng kanyang pagbubuntis. Ito’y isang kundisyon ng mga buntis kung saan maaari silang makunan.
Muling nagbigay ng update si Jennylyn at ang asawa niyang si Dennis Trillo tungkol sa buhay nila bilang mag-asawa sa pamamagitan ng kanilang “After All” web series. Ito yung panahong kauuwi lamang ni Jennylyn mula sa lock-in taping.
Naibalita noon na nagkaroon ng spotting ang aktres habang nasa lock-in taping ng Kapuso drama series na “Love.Die.Repeat”. Dahil dito, nagdesisyon ang GMA na itigil muna ang produksyon ng serye.
Pahayag ni Jen, “Siyempre pasalamat din ako sa GMA dahil pinayagan nila akong alagaan ‘yung sarili ko at ‘yung baby ko. Thank you po dahil pinili n’yo pa rin na hintayin ako at ibigay pa rin sa akin ‘yung show na ‘yun.”
In fairness, hands on talaga si Dennis sa pag-aalaga kay Jen dahil nga sa maselang pagbubuntis nito. Siya pa mismo ang nagpe-prepare ng pagkain ni Jennylyn araw-araw na naka-bedrest pa rin ngayon.
Ayon sa Kapuso Drama King, kailangang lumafang ang kanyang misis ng mga pagkaing makatutulong sa produksiyon ng dugo tulad ng leafy green vegetables at red meat dahil nalamang low blood mga ang aktres. Ipinagbawal din ng doktor sa kanya ang pagkain ng maaalat.
“Siyempre doon sa vegetables namin, gusto naming mag-thank you sa aking ama dahil mayroon siyang hydroponics set up sa bahay kung saan may mga tanim siya. Lettuce, spinach, kale,” ani Dennis.
Dugtong naman ni Jen, “Iba ‘yung fresh, ‘yung pagkakuha pa lang, ipapadala na rito, ‘di iba? Iba ‘yung lasa.”
Ayon pa Kapuso actress, noong ikawalong linggo ng kanyang pregnancy ay nagpa-check up uli siya at naging okay naman daw ang naging resulta kaya ipinahinto na sa kanya ang gamot na pampakapit ng baby. Pinayagan na rin daw ng doktor si Jen na mag-workout.
Ngunit makalipas lamang ang ilang linggo, “Habang nagpi-pilates ako, nakaramdam ako ng ayan na naman, may pain na naman ako sa balakang. Tapos nagkaroon ako ng pain sa puson, sa pelvic area.
“Mayroon na namang pain at hindi na naman ako kumportable. After noon inaaraw-araw na ‘yung pain. Nararamdaman ko na hindi na ‘ko okay,” pag-amin ni Jen.
Nang magpakonsulta uli sila sa pamamagitan ng text ang sabi raw ng doktor, “Looks like you’re having threatened abortion.”
Base sa isang health website, ang threatened abortion ay vaginal bleeding o pagdurugo na nararanasan sa unang 20 weeks ng pagbubuntis na maaaring magresulta sa miscarriage o pagkalaglag ng bata.
“Nag-text siya (doktor) at talaga namang kinabahan tayo…kasi sinabi niya na merong threatened abortion. Du’n pa lang sa salitang yun, naalarma na kami dahil ayaw naming marinig ‘yung salita na ‘yun,” sabi ni Dennis.
Kaya naman agad na sinunod ni Jen ang lahat ng bilin sa kanya ng doktor kabilang na ang total bedrest kaya after two weeks ay bumuti na ang kanyang kundisyon.
Sabi pa ng aktres, “Na-realize ko na ang sarap pala magbuntis nang may taga-alaga sa ‘yo. Napakasuwerte ko nandito si Dennis sa tabi ko.”
Hugot naman ng Kapuso actor, “Marami akong mga pagkakamali noon, mga pagkukulang sa pagiging tatay, sa pagiging ama. Sa pagkakataong ito, gusto kong bumawi. Ayokong maka-miss ng anything na hindi ako kasama doon sa experience na ‘yun.”
View this post on Instagram
Ibinahagi rin ng newly-married couple na sa 2022 pa sana sila magpapakasal at balak nila itong gawin sa ibang bansa. Sa katunayan, may ipinagagawa na rin silang mountainside home kung saan nila planong iuwi ang sanggol na isisilang ng kanilang surrogate.
Ngunit bigla ngang nabuntis si Jennylyn kaya nag-iba na ang kanilang plano para sa kanilang pamilya. Mapapanood na rin sa bagong episode ng kanilang vlog series ang tungkol sa katatapos lang nilang intimate wedding.
https://bandera.inquirer.net/284309/promise-ni-dennis-kay-jennylyn-sa-lupa-sa-ilalim-ng-dagat-kahit-saan-pa-man-hindi-kita-pababayaan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.