Jennylyn sa taro cards unang nakumpirma ang pagbubuntis; dinugo habang nasa taping ng ‘Love, Die, Repeat’

Jennylyn sa taro cards unang nakumpirma ang pagbubuntis; dinugo habang nasa taping ng 'Love, Die, Repeat'

IKINUWENTO ni Jennylyn Mercado ang kanyang mga naging karanasan bago niya tuluyang makumpirma na ipinagbubuntis niya ang baby nila ni Dennis Trillo.

Sa kanyang latest YouTube vlog, inamin niya na habang nagsisimula na sila ng lock-in taping para sa kanyang teleseryeng “Love, Die, Repeat” ay nagiging sensitive na siya.

“Nag-away pa kami ni Dennis kasi ewan ko, mga maliliit lang na bagay. Tapos napaka ano ko non,napakaemosyonal ko. Parang nag-iiba ‘yung ugali ko,” saad ni Jennylyn.

“Ang sensitive ko noong mga panahon na ‘yun. Konting kibot lang nagagalit na ako. Naiiyak ako nang walang dahilan tapos naisip ko, parang pamilyar ‘yung pakiramdam,” dagdag pa niya.

Dito nga ay kinabahan na si Jennylyn.

“Dala ko ‘yung taro cards ko so ang ginawa ko, tinaro ko siya. Basta sinabi ko na lang sa sobrang nerbyos ko, ‘Sabihin mo sa ‘kin, buntis ba ako?’

“Naglabas ako ng 3 cards tapos ‘yung cards na ‘yun, 3 major cards.”

Ang mga cards nga na lumabas ay “The High Priestess”, “The World”, at “The Lovers”.

Ipinaliwanag naman ni Marky Mendoza, isang Reiki Master at malapit na kaibigan ni Jennylyn ang kahulugan ng mga cards.

“Yung tatlong positioning nung card will represent the past, present, and future.

“On the first card is “The High Priestess”. Kapag nakakuha ka ng high priestess as a major card that resonates a very good decision.

“The second card is “The World”. That is an important card kasi ibig sabihin is a major card for a major completion.

“The third one is “The Lovers” card it resonates the love that they both have na magbubunga,” pagpapaliwanag ng kaibigan ni Jennylyn.

Kinabukasan ay nagpabili na raw ng pregnancy test kit si Jennylyn kay Dennis.

Noong una ay akala ng aktor na nagbibiro lamang ang girlfriend dahil kakapadala lang daw niya ng pagkain nang mag-text ito.

Matapos nito ay ibinalita na nga ni Jennylyn na positive ang naging resulta ng pregnancy test.

Napagdesisyunan rin nila na huwag munang sabihin sa iba na buntis siya.

Dito na nga nahirapan si Jennylyn dahil kinakailangan niyang gawin ang mga eksena niya para sa teleserye.

“Ang dami kong ginagawang pisikal sa eksena. ‘Yung pinagdadaanan ng character ko, mabigat talaga simula umpisa.

“Ang dami kong eksena na talagang kailangan kong gumalaw, madapa, madulas, tumakbo. Nag-aalala ako kasi hindi ko sinasabi sa kanila na ganito ang sitwasyon ko,” lahad ni Jennylyn.

Dahil nga hirap na rin si Jennylyn na itago ang kalagayan, sinabihan na niya ang executive producer at direktor nila.

Dito nga ay naramdaman na niya na safe siya. Nakapagpaalam na rin siya na magpa-check up at agad naman siyang pinayagan.

Pagkabalik ni Jennylyn sa set ay dito na nga sinabi ng production sa buong cast na buntis siya para na rin maalalayan siya habang nagte-taping.

Pinagpahinga muna si Jennylyn bago ito tuluyang magsimula ngunit dahil sa bigat ng eksena ay hindi inaasahan ni Jennylyn na duduguin siya.

“Nag-alala kami nung natanggap namin ‘yung text ng OB niya. Doon kami nagdesisyon na pauwiin na si Jen. Itigil muna ‘yung trabaho para makauwi na siya sa bahay at mas maalagaan,” kuwento naman ni Dennis.

Sa susunod na episode ng vlog ni Jennylyn ay ikukuwento naman nila ang mga nangyari matapos ang nangyari sa kanya at sa ipinagbubuntis niya.

 

Related Chika:
Dennis namanhikan na sa pamilya ni Jennylyn; aamin na kayang magkaka-baby na?
Jennylyn bibida pa rin sa ‘Love, Die, Repeat’; balik taping pagkatapos ang panganganak

Read more...