Willie hinangaan ni Cristy Fermin: Ang kanyang mga palad ay bukas sa patulong sa ating mga kababayan

Cristy proud sa achievements ni Willie: Ang kanyang mga palad ay bukas sa pagtulong

“SI Willie (Revillame) kapag kausap ko ngayon parang kumpletong-kumpleto na ang kanyang buhay. Sobrang inaangkin na niya ang panahon ngayon kasama ang kanyang mga anak at apo,” ito ang bungad kuwento ni Nanay Cristy Fermin sa kanyang programang “Cristy “Ferminute kasama si Romel Chika.

Nadadalas na kasing mag-out of town si Willie para bisitahin ang mga ipinagagawang villas sa Tagaytay City at sa napakandang resort niya sa Mindoro.

Base sa kuwento ng batikang manunulat at online host, “Nakalilipad na siya anumang oras sa mga ipinagagawa niyang villas sa Iruhin, Tagaytay at sa Mindoro sa ipinagagawa niyang 7-star hotel.”

Nakagugulat ang balitang ito ni ‘nay Cristy na nagpapagawa ng 7-star hotel si Willie sa isang probinsya sa Pilipinas.

Bagama’t wala naman talagang tinatawag na 7-star hotel kundi iginawad lang ito bilang rating ng mga nakasubok na sa serbisyo at sa ganda nito sa loob at labas ng gusali.

Sa kasalukuyan ay dalawa palang ang may 7-star ratings, ang hotel Burj Al Arab sa Dubai, United Arab Emirates at Milan’s Hotel Seven Stars Galleria.

Ang Burj Al Arab sa Dubai ang gustong gayahin ni Willie dahil nakatayo ito sa gitna ng dagat base sa tsika pa ng “Cristy Ferminute” host.

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni ‘nay Cristy, “Sa gitna ng dagat, parang Burj Al Arab sa Dubai. Sobrang hands on si Willie, natutukan na niya ngayon kapag may mga nakita siyang tiles (hindi bagay), ipababago ipatutungkab ganu’n siya kabusisi bilang may-ari ng mga ipinagagawa niyang proyekto. Hindi matatapos (agad) dahil ang dami niyang ipinababago.

“Maganda ‘yung mga villa niya sa Iruhin. Ang dami na nga nag-i-inquire kung puwede ng tirahan ng mga bakasyunistas pero hindi pa rin puwede.”

Sundot naman ni Romel, “Pati mga staff niya ‘nay masaya dahil nakatutok siya sa Wowowin.”

“Ang daming naging masaya sa pag-urong niya sa kandidato marami kasing kumokontra dahil alam mo na kapag nawala siya sa kanyang programa at nagserbisyo publiko maraming apektado.

“Pero ngayon maraming maligayang-maligaya kasi hindi na sila mawawalan ng trabaho.

“Napakasuwerteng bata akalain mo inabot niya yung ganitong estado ng buhay samantalang dati kumikita lang siya kung baga sa salita natin ay piso-piso sa kanyang pagda-drums.”

Ikinuwento rin niya ang naging journey ni Willie noong nagsisimula pa lang ito.

“Pero ano kasi ito pinaghirapan din niya ng todo-todo. Naging side kick muna siya nina Philip Salvador sa mga pelikula hanggang sa magbukas nga po ang mundo ng telebisyon sa kanya at dito siya pinagpala ng todo, napakahusay ni Willie.

“Sa paghawak ng pera masasabi kong magaling siya! Pero ang kanyang mga palad ay bukas sa pagtulong sa ating mga kababayan.

“Feeling ko si Willie kapag tinitignan niya ang bankbook niya tinitingnan niya kung magkano ang puwede niyang ibigay sa mga kababayang naghihirap at saka ‘yung puwede niyang gamitin sa kanyang negosyo at puwede niya ring gastusin bilang premyo sa kanyang sarili, palagay ko ganu’n, eh,”mahabang kuwento ni ‘nay Cristy.

Oo nga’ yung sanang magagastos ni Willie sa kandidatura niya bilang senador ay ipinampagawa na lang niya ng pangnegosyo niya.

Related Chika:
Cristy Fermin binanatan si Nadine: Magbalot ka!

Read more...