Petisyong i-disqualify si Bongbong Marcos, isang pagsusuri
Wag Kang Pikon - November 05, 2021 - 09:35 AM
Mainit ang diskusyon ngayon sa petisyong ibasura ang kandidatura ni presidential aspirant Bongbong Marcos, anak ng pinatalsik na diktador.
Mabigat ang 57-pahinang petisyon ng mga political detainees, at human rights advocates dahil “convicted” umano si Bongbong ng Quezon City Regional Trial Court sa kasong “tax evasion” noong 1995. Hindi siya nag-file ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985 at dahil dito, disqualified siyang humawak ng alinmang pwesto sa gobyerno. Ang hatol ng RTC ay kulong ng pitong taon at pinagbabayad ng multa. Iniakyat ito sa Court of Appeals pero noong 1997, kinatigan nito ang desisyon ng QC RTC, pero misteryosong nawala ang sentensyang “kulong” at pinagbayad na lamang ng multa. Hindi na ito iniakyat sa Korte Suprema dahil nag-withdraw na ang kampo ni Bongbong. At dahil dito, ayon sa kanyang kritiko, naging “pinal” ang “conviction” niya sa Korte Suprema.
Nang mag-file siya ng COC kamakailan, nagsinungaling daw ito nang sabihin “under oath” na hindi siya kailanman naging “convicted” sa anumang krimen. Ayon kay dating Supreme Court Justice, at convenor ng oposisyong 1Sambayan, ex-justice Antonio Carpio , ang kasalanan ni Bongbong ay hindi lamang kasalanan ng “moral turpitude” kundi “intentional” at pananadya dahil apat na taong sunud-sunod niyang “nakalimutang” magbayad ng “income tax. Kung bakit ngayon lang nag-opinyon ng ganito si Carpio, siya lang ang makakapagsabi.
Ang petisyon ay ikinagulat ng marami dahil iba’t ibang pwesto sa gobyerno na nahalal at naglingkod si Bongbong kahit may “final conviction”. Naging gobernador ng Ilocos norte 1998 hanggang 2007, Congressman 2007 hanggang 2010, Senador 2010 hanggang 2016 bago siya natalo sa pagka-bise presidente kay Leni Robredo.
Ayon sa kampo ni Bongbong Marcos , ito raw ay “predictable nuisance” at bahagi lang ng “gutter politics”. Sasagutin daw nila ang petisyon kapag dumating sa kanila ang kopya.
Meron ding press release galing sa kampo ni Bongbong na diumano’y opinyon si Comelec spokesperson James Jimenez na walang basehan ang bagong “disqualification case”, dahil hindi naman siya “convicted” ng “moral turpitude” at pagkakulong ng 18 months. Pero, pinabulaanan ni Jimenez ang nalathalang opinyon na ito . Ito raw ay “luma” na at ginawa niya sa panahong tumatakbo si Bongbong bilang Bise Presidente noong 2016 at hindi sa bagong petisyon ngayon.
Kaya nga lahat tayo ay nakabantay sa COMELEC na merong 18 araw para magdesisyon. Pagpasyahan. May limang araw si Bongbong na sumagot, tatlong araw para sa pre-conference ng magkalabang panig, at pagkatapos ay sampung araw para desisyunan ng Comelec division . Aakyat sa en banc, at posibleng idulog sa Korte Suprema para tapusin ang isyu..
Kung susuriin, mabigat ang epekto nito sa kampanya ni Bongbong. Katulad ng nangyari noong 2016 sa “foundling “ at natural born citizenship ni Senator Grace Poe. Nagpigil ang arangkada niya at laging nakaamba ang espada ni Damocles sa ulo, ika nga. Ganoon din kaya ang mangyari kay Bongbong?
Ito ba ay lehitimong isyu na dapat i-prayoridad ng COMELEC at Korte Suprema ?
Isa ba itong pakana ng oposisyon para pahinain ang kampanya ni Bongbong? O sa kabilang panig naman, desperado na ba ang oposisyon, at kailangang-kailangang mawala sa balota ang pangalan ni anak ng dating diktador?
Ito ba’y isang malalim na patibong, ala-“Trojan horse” para sa COMELEC at KORTE SUPREMA lalot ang mga nakaupo ritong mga mahistrado ay nakararaming “appointees” ni Pangulong Duterte? At kung ibasura nila ang petisyon at kampihan si Bongbong ay mag-aakusa ang oposiyon ng “conspiracy” at “niyari” ni Duterte?
Sa totoo lang, pagod na pagod na ang bayan sa hindi tumitigil na awayan ng mga naghaharing pulitiko, mapa-administrasyon o oposisyon mula pa noong 1986. Marcos vs Aquinos, loyalists vs. EDSA protesters, pula vs. dilaw na ngayon ay pink. Pare-pareho silang lahat. nakinabang at nagsamantala sa nakalipas na 35 taon.
Ang kailangan ng tao ngayon sa eleksyon ay “solusyon” sa problema ng pandemya at ekonomya. Ang kailangan nila ay maluklok ang kandidatong sila ang pumili. Kaya naman, inaasahan natin na isa lang ang gagawin ng COMELEC at ng KORTE SUPREMA rito. Magpasya ng nararapat at tama na nakabatay sa totoong kapakanan ng buong bansa, hindi sa maingay ngayong pulitika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.