Mikee Quintos ayaw pasukin ang politika; umaming super na-miss si Kelvin Miranda
Kelvin Miranda at Mikee Quintos
NAGSALITA na nang tapos ang Kapuso young actress na si Mikee Quintos na hinding-hindi niya papasukin ang mundo ng politika.
Ayon sa dalaga, pakiramdam niya ay hindi para sa kanya ang politics at hahayaan na lamang daw niya ang ilan sa kanyang mga kapamilya ang pagiging public service, tulad ng kanyang mga magulang.
Chika ng dalaga, mas pagtutuunan na lamang daw niya ng atensyon ang kanyang showbiz career at ang pag-aaral. Isa raw sa mga nasa top priority niya ngayon ay ang maka-graduate sa kursong architecture sa University of Sto. Tomas.
“Marami po ang nagtatanong ng ganyan, pero right now po, decided talaga ako. Parang sure ako na hindi siya para sa akin.
“Nandito po ako para suportahan ang kapatid ko, ang pamilya ko, ang magulang ko,” ang pahayag ni Mikee nang humarap sa virtual mediacon ng “Regal Studio Presents Promises To Keep”.
Kasunod nito, nabanggit ni Mikee na ang tatakbo sa darating na May, 2022 elections ay ang kapatid niyang si Atty. Lady Quintos bilang konsehal sa District 4 ng Maynila.
“For the very first time po, tatakbo na bilang konsehal ang ate ko sa Manila. Ang ate ko na po ang uupo ngayon. Nag-sign (certificate of candidacy) na po siya two weeks ago sa District 4 ng Sampaloc, Manila,” ani Mikee.
https://bandera.inquirer.net/282610/mikee-kelvin-nag-usap-nang-masinsinan-bilang-loveteam-nagkasundo-sa-relasyon
Sa tanong kung ano kaya ang makapagpapabago sa desisyon niyang huwag pasukin ang politika, “Sabi nila, magbabago pa raw ang isip ko, kasi may mga kakilala ako na nagsasabi sa akin. Pero iba talaga yung calling ko.
“Hindi ko naman isinasara ang isip ko, pero sure talaga ako. Kahit gaano ko siya katagal pag-isipan, hindi ko po ma-imagine ang sarili ko doon politika,” sagot ng Kapuso actress.
“Sa akin po, ang purpose na nakikita ko sa public service, magsilbi sa publiko. Kahit papaano, nagagawa ko rin naman po siya bilang artista. I don’t have to sit in a position for me to be able to help.
“Okay na po sa akin ang walang titulo basta nagagawa ko pa rin yung mga sa tingin ko tamang gawin,” chika pa ni Mikee.
Samantala, super thankful naman si Mikee sa GMA at sa Regal Entertainment dahil muli silang pinagtambal ng kanyang ka-loveteam na si Kelvin Miranda sa “Regal Studio Presents Promises To Keep” kung saan makakasama rin nila sina Angel Guardian at Tyrone Tan.
“Ito po kasing Regal na nagsama po kami for ‘Promises to Keep,’ ito ‘yung unang unang nagkita po kami after ng The Lost Recipe. Masaya po ako. Sabi ko sa kanya noon na na-miss ko siyang kabatuhan ng mga linya. Na-enjoy po namin ‘yung day na ‘yun,” kuwento ni Mikee sa isang panayam.
Sa kuwento, gagampanan ng Kapuso tandem bilang childhood friends na muling magkikita matapos ang isang dekada. Gaganap si Mikee bilang si Jenny na umalis papuntang Amerika, ngunit babalik din sa kanyang pinagmulan habang si Kelvin naman ay si Eloy, ang kababata ni Jenny ng nangakong maghihintay sa kaibigan.
“Itong character ko naman, eh simpleng tao lang siya na malaki ang pinanghahawakan sa buhay, lalo na ang mga pangako. Tumatak sa kanya na talagang pinanghawakan niya hanggang sa sa makarating ‘yung pangakong iniintay niya,” pahayag ni Kelvin.
Tutukan ngayong hapon, 4:35 p.m. ang balik-tambalan nina Mikee at Kelvin sa “Promises To Keep” ng “Regal Studio Presents” sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.