Bistek tatakbong senador sa 2022; Direk Mae Cruz may promise sa KathNiel fans
Kathryn Bernardo, Herbert Bautista at Daniel Padilla
TAMA ang naisulat namin dito sa BANDERA noong Set. 26 na manggugulat na lang si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista para sa darating na Eleksyon 2022.
Matagal din kasing nanahimik ang aktor tungkol sa susunod na plano niya sa kanyang political career.
Halos lahat ng mga kakandidato sa 2022 ay nag-iingay na pero si Bistek ay tahimik lang at walang paramdam, pero heto nga’t nanggulat siya kaninang tanghali matapos maghain ng Certificate of Candidacy sa pagkasenador.
Si Mayor Bistek ay kasama sa senatorial slate nina Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto na tatakbong Presidente at Bise Presidente mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC).
Ayon kay HB, “Ito po yung kauna-unahang journey ko sa larangan ng public service after more than three decades of serving the people of Quezon City.
“I’d like to thank the people of Quezon City – from the security guards to the magtataho, to the tricycle drivers, to the barangay leaders, to the elected city leaders. Maraming maraming salamat po at naging bahagi kayo ng buhay ko.
“Marami po akong natutunan sa inyo at sana po ay tulungan n’yo pa rin ako sa panibagong yugto ng aking buhay upang makatulong naman tayo sa mas nakakarami, hindi lamang Quezon City kundi ang buong bansa.
“Sa muli, maraming maraming salamat po and God bless you all.”
Samantala, may post si Bistek sa kanyang Facebook page kahapon na dumalaw siya sa puntod ng magulang nila nina Konsehal Hero Bautista at Harlene Bautista na sa tingin namin ay humingi siya ng basbas at gabay sa plano niyang pagtakbo sa senado.
* * *
Ipinapangako ni Direk Mae Cruz Alviar na magbibigay saya at inspirasyon ang reunion project niya kasama sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na “2 Good 2 Be True.
“We will do our best to offer a project that will give people a breather from what they are going through right now. This is our mission. This is our vision. And this is what we will aim to do,” sabi ni Direk Mae sa nakaraang cast reveal ng serye.
Bukod sa comeback serye ng KathNiel ang “2G2BT,” ito rin ang muling pagsasanib-pwersa ni Direk Mae at ng KathNiel matapos magkasama sa blockbuster films na “Crazy Beautiful You” at “Can’t Help Falling In Love.”
Si Mae ang director ng matagumpay na “Four Sisters Before the Wedding” at “Love or Money” na parehas kinunan sa gitna ng pandemya. Sa paggawa ng seryeng ito, binigyang diin ng batikang direktor na prioridad nila ang kaligtasan ng lahat sa produksyon.
“I promise we will take care of all of you. For us, whether ang reason na ito ay for work or out of gusto natin maka-entertain, we are all in this together,” saad niya.
Ngayong buwan nakatakdang magsimula ang taping ng “2G2BT” na ipro-produce ng RGE Unit ng ABS-CBN Entertainment, ang grupo na naghatid ng mga dekalibreng serye tulad ng “Bagong Umaga,” “Ipaglaban Mo,” “Nang Ngumiti Ang Langit” at “Pamilya Ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.