Maymay hindi payag na magpakita ng motibo sa taong gusto n’ya: Ayaw kong manligaw kahit hindi ako kagandahan, bahala kayo d’yan
INAMIN ni Maymay Entrata na hindi siya masyadong aktibo sa social media at kung mayroon man siyang ipo-post ay ‘yung sa tingin niyang mai-inspire ang makakabasa at makakakita nito o sa tingin niya ay positibo ang dating nito sa lahat.
Sa katatapos na zoom mediacon ng ikalawang season ng original digital anthology series na “Click, Like, Share”, sinagot ng singer –actress ang tanong ni MJ Felipe kung ano ang gusto niyang i-share sa social media niya.
Aniya, “Nag-post ako sa social media about doon sa nag-aaral na ako sa wakas ng signing session kasi parang ang kapal kasi ng mukha ko na ang ganda ng boses ko pero kapag naririnig ko parang may kulang, haha. Sa wakas may nahanap na akong perfect coach para ma-improve ko pa ‘yung singing voice ko at ‘yun ‘yung aabangan nila kung bakit.”
Parang alam naman na ng lahat na kasama na si Maymay sa musical show na “ASAP Natin ‘To” at may mga music video na siya kaya posibleng magkaroon na siya ng major solo concert soon lalo’t puro hits ang mga kanta niya.
Inamin ng dalaga na takot siya noon sa mga ginagawa niya kaya kailan lang siya naging risk-taker.
“Nagsimula po akong maging risk-taker nitong 2020 kasi lagi akong napapangunahan ng takot kapag ang ibinigay sa aking role sa acting ay feeling ko hindi ko kakayanin, tapos sa pagpe-perform naman lagi kong iniiwasang mag perform ng solo kasi feeling ko hindi pa ako prepared.
“’Yung nakikita nilang magaling daw ako sumayaw or kumanta charot-charot lang ‘yun nila kasi sinusuportahan kasi nila (production) ako.
“Kaya naging risk-taker lang ako nu’ng feeling ko handa na ako kasi binigyan ko ng pagkakataon ‘yung mga weakness ko na pag-aralan ko. Akala ko kasi dati kapag nanonood ako ng TV ng naga-acting kala ko sobrang dali lang pero nu’ng na-experience ko na, hindi ako makaiyak, paano ba ang reaksyon kapag masaya. Kaya ang totoo kapag nakikita ko ang sarili ko sa TV (noong hindi pa marunong umarte), simula noon ayaw ko ng makita ang sarili ko.
“At para malampasan moa ng takot na iyon, kailangan mong mag-aral sa acting at sa pagpe-perform. Kaya ngayon kumukuha ako ng session, dancing, acting at singing para mas confident talaga ako,”kuwento ng dalaga.
Samantala, natanong din si Maymay ngayong modern age na ay okay ba sa kanya na siya ang magpakita ng motibo sa lalaking gusto niya.
“Hindi, ayaw kong manligaw kahit hindi ako kagandahan bahala kayo d’yan!” mabilis nitong sagot.
‘Bibigyan ko pa rin ng worth ang pagka-babae ko. Dapat sila (lalaki) ‘yun, sila pa rin ang mauuna. Saka sa dinami-dami ba namang lalaki, iisa lang naman ang makakatuluyan ko. Naniniwala ako na may tamang tao para sa akin,” katwiran ng dalaga.
Anyway, bibida si Maymay sa Click, Likes Share episode na Lurker bilang ang mahirap ngunit masipag na waitress na si Beng. Sanay sa pang-aapi si Beng ngunit magbabago siya pagkatapos siyang pahiyain ng isang mayaman na social media influencer na si Trish (Michelle Vito). Dahil dito, gagamitin ni Beng ang kasikatan ni Trish upang maghiganti at sirain ang buhay nito.
Mapapanood na ito ngayong Setyembre 3, kasama ang iba pang apat na bagong episodes nito sa iWantTFC tuwing Biyernes ng 8 PM, dalawang araw bago ito ipalabas sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z kada Linggo ng 8:30 PM.
Episode na Altered naman ang kay Tony Labrusca kung saan tanging hanapbuhay niya ang pag-eedit ng mga litrato upang siraan ang mga kilalang personalidad. Makakarma siya sa karakter na Homer dahil madadawit ang pangalan niya sa kasong pagpatay sa isang mayamang negosyanteng siniraan din niya.
* * *
Masusubukan ang pagiging mag-best friend nina Jenna (Barbie) at Kris (Lance Reblando) sa “Found”. Tutulungan ni Jenna si Kris na makakuha ng date kay Vince (Jerome) gamit ang isang dating app, ngunit magiging komplikado ang samahan ng magkaibigan pagkatapos mahulog ang loob ni Jenna kay Vince.
Ang huling episode na “Barter” ay mag-isang itataguyod ng karakter ni Janella as JaniCe ang kanyang kapatid pagkatapos mamatay ang kanilang ina. Upang makaipon ng pera, nagbebenta si Janice ng mga luma at sirang appliances online – isang bagay na magdudulot ng sunod-sunod na trahedya sa kanyang buhay matapos itong ikamatay ng isang customer.
Join din sa mga nabanggit na episodes sina Mutya Orquia, Louise Abuel, Sherry Lara, Franco Daza, Paolo Gumabao, Kate Alejandrino, Malou Crisologo, at Renz Aguilar.
Ang serye ay mula sa direksyon ni Emmanuel Q. Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.