Lolit ipinagtanggol si Rep. Claudine sa mga bashers matapos ang magarbong kasal
SANGKATUTAK na batikos ang natanggap ni Rep. Claudine “Dendee” Bautista, partylist representative ng Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) matapos mag-viral ang mga litrato nito mula sa kaniyang kasal.
Marami ang nairita at mapataas ang kilay sa magarbo at engrandeng kasal nito sa Balesin Island.
Kahit mga artista nga ay hindi napigilan ang pagka-dismaya sa DUMPER Partylist representative.
Giit pa ni Agot Isidro, marami na ang pwedeng matulungan at mapakain sa halaga ng kaniyang gown na gawa ni Michael Cinco.
Sa kabila ng mga patuloy na bumabatikos sa kongresista, mayroon pa ring iilan na nagtatanggol rito. Isa na nga ang host at columnist na si Manay Lolit Solis.
Sa kaniyang Instagram post na may litrato nina Agot, Rep. Claudine, at Enchong, inihayag nito ang kaniyang opinyon sa kasalukuyang isyu.
Aniya, napakahirap na raw magkaroon ng bonggang party o anumang bagay na magastos.
“Sa panahon ngayon Salve ang hirap magkaruon ng bonggang party, o anuman na kakikitaan ng sobrang gastos. Kahit pa nga sabihin mo na pera mo iyon ginasta mo, at minsan lang mangyari sa buhay mo kaya itotodo mo na,” umpisa ni Manay Lolit.
“Tignan mo iyon wedding ni Cong. Claudine Bautista na talagang binigyan nila Agot Isidro at Enchong Dee ng sobrang comment. Kung iisipin mo, sa isang babae ang debut at kasal niya usually ang pinaka memorable.
“Siguro matagal ang preparasyon dito ni Cong. Claudine at pamilya niya, at hindi nila akalain na papatak kung kelan may pandemic kaya parang binigyan ng kulay at lumabas na insensitive sila,” pagpapatuloy niya.
Tinawag na “insensitive” ang kongresista dahil sa magarbong kasal nito sa kasagsagan ng pandemya kung saan maraming drivers ang patuloy na nahihirapan at namamalimos dahil apektado ng tigil-pasada.
“Hindi naman siguro kasalanan kung sa panahon ito meron kang kakayahan gumasta ng ganuon kalaki. Iyon naman talaga ang batas ng buhay, meron may pera, meron din wala. May busog, may magugutom,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa kaniya, baka naman daw matagal nang plano ito ng mag-fiancé at sumakto na nagkaroon ng pandemya kaya ngayon lang nagkaroon ng pagkakataon na ganapin.
“Hindi kasalanan na mas masuwerte sila kesa atin, mas may biyaya sila ngayon , at tayo wala. Kanya kanyang panahon, malay natin bumaligtad ang mundo, umikot, at tayo naman ang may pera, at sila naman ang wala.
“Basta, lagi lang natin tandaan, weather weather lang iyan, puwede ngayon umuulan, bukas matindi ang araw. Hayaan na natin lumigaya sila sa kanilang wedding, pray na lang natin maging maligaya sila,” saad niya.
“Sabi ni Agot Isidro, iyon gown na gawa ni Michael Cinco, marami ng drivers ang maibibili ng pagkain, suggest na lang natin na tutal nagamit na, ibenta na lang at ibigay ang pera sa mga drivers na nagugutom. Puwede kaya iyon Salve at Gorgy ? May bibili kaya ng 2nd hand na wedding gown ?
Tutal naman daw ay maraming drivers ang mabibigyan ng pagkain, suggestion niya ma ibenta na lang ang gown tutal nagamit naman na.
Ngunit tanong niya, may bibili kaya ng second hand na wedding gown kung sakali?
Biro pa nito, sina Agot at Enchong na lang ang bumili kung sakali dahil dila naman ang nagagalit sa sobrang display of wealth ng kongresista.
Nananatiling tikom ang kampo ni Rep. Bautista sa kabila ng mga batikos na natatanggap.
Nananatili namang bukas ang BANDERA para sa kaniyang paliwanag hinggil sa isyung kinasasangkutan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.