Pagbaligtad ng desisyon para paboran ang 3 Chinese firms, di nasikmura ng limang PCSO exec
Wacky Leaks - July 14, 2021 - 08:11 PM
Hanggang ngayon ay laman ng mga balita ang pagbibitiw sa pwesto ng limang miyembro ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ay dahil hindi nila masikmura ang pagbaliktad ng PCSO board sa nauna nilang desisyon at muling isinama ang Chinese firm na JV Genlot sa P6.5-billion Nationwide Online Lottery System (NOLS) project.
Ang JV Genlot, ay joint venture ng tatlong Chinese company na binubuo ng United Technic Corp., Digi-Specs IT Corp., at Genlot Game Technology Co. Ltd.
Sumali ang nasabing grupo ng mga Chinese sa bidding para sa Philippine Charity Sweepstakes Office Lottery System (PLS) Project, na kilala rin sa tawag na Nationwide Online Lottery System project na nagkakahalaga ng P6.5-billion noong nakaraang Abril 21, 2021.
Ang nasabing proyekto ang papalit sa antigong online lottery system ng Pilipinas.
Pero bagsak sa mga requirements ng SBAC ang JV Genlot dahil, una, mahigit apat na buwan nang paso na ang Mayor’s Permit ng local partner nito.
Bukod pa dito ang pambabastos nila sa bidding process dahil ang kanilang isinumite na mga dokumento sa kanilang tinaguriang “single largest completed contract” ay nasa wikang Chinese at hindi man lamang isinalin sa wikang Filipino o Ingles.
Ano ang tingin nila sa Pilipinas? Probinsya nila?
Nagsumite ng “request for reconsideration” ang JV Genlot, na siya rin namang na-deny sa pagdinig ng SBAC noong June 9.
Akala natin ay doon na nagtatapos ang kasaysayan ng pagpupumilit ng Chinese group na ito na makakuha ng kontrata sa PCSO pero hindi pala.
Mukhang may secret weapon ang grupo ng mga Chinese dahil makalipas lamang ang ilang araw noong June 24 ay binaliktad ng mga miyembro ng PCSO board ang kanilang mga naunang desisyon.
Biglang nagliwanag ang sikat ng araw sa mga tindahan ng siopao dahil pinayagan ang JV Genlot na makapag-bid ulit sa proyekto.
Insultong malaki para sa mga miyembro ng SBAC ang mga pangyayari dahil dumaan sa masusi nilang pagbusisi ang proseso.
Dahil hindi nila masikmura ang mga kaganapan kaya sabay-sabay na nagsumite ng kanilang “irrevocable resignation” sina Josefina Sarsonas-Aguas, Raymond Samarita, Ariel de Ocampo, Omar Bagul, at Leah Christine Jimenez.
Lalo silang nabuhayan ng loob dahil suportado naman ni PCSO General Manager Royina Marzan Garma ang opinyon ng SBAC, kaya siya ay sumulat kay PCSO Chairman Anselmo Simeon P. Pinili at iba pang miyembro ng board.
Sa kanyang sariling inisyatibo ay nabisto ni Garma, na dati ring opisyal ng PNP, na hindi raw makatotohanan ang board decision at wala itong basehang legal.
Ang kanyang eksaktong isinulat sa wikang Ingles, “… smacks of perjury and as it is false and bereft of actual legal basis.”
Nakabibingi ang katahimikan ng PCSO board sa isyu at nakakapagtaka naman dahil ang mga hinahangaan nating mga opisyal ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang nagsasalita at kumukwestyon pa ngayon sa pagbibitiw sa pwesto ng mga kasapi sa SBAC.
Ano ba ang kaugnayan ng VACC sa grupo ng mga Chinese na gustong makisawsaw sa online lottery operation sa bansa? Abangan ang susunod na kabanata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.