NALULUNGKOT ang mga oldtimers sa National Bureau of Investigation. Ngayon lamang sila nakulapulan ng sunud-sunod na kontrobersiya na anumang oras ay maaaring pumutok bilang eskandalo. Meron silang direktor na sa tingin nila ay resign na. At hindi naman buo ang suporta ng lahat sa kanilang direktor. Ganyan talaga sa NBI. Parating banggaan iyan ng oldtimers at newcomer, at mga bata ng newcomer. Araw-araw ay nag-aamuyan ang mga ito ng baho sa magkabilang kampo. Hindi naman tanga ang itinatalaga sa NBI at mas lalong hindi tanga ang oldtimers.
Nabanggit ni Atty. Lorna Kapunan na humingi ng P300 milyon ang ilang taga-NBI kay Janet Napoles para ibangketa ang kaso. Baka totoo nga ito dahil pinagbibitiw ni Justice Secretary Leila de Lima ang ilang deputy directors.
Noong dekada 60, nagbarilan ang isang ahente ng NBI at isang miyembro ng Manila Police Department, na noong ang pinakamagaling na pulis sa bansa, na ipakita lang ang ID ng MPD sa anumang bahagi ng bansa ay tinitingala na’t iginagalang. Ang sanhi ng barilan: pera, ano pa ba. Noong idineklara ang martial law, tiniyak ni Marcos na titino na ang NBI.
Ngayon lang naglaho ang paggalang ng taumbayan sa Land Transportation Office, dating Motor Vehicle Office at Land Transportation Commission. Mabuti pa noong MVO at LTC ito dahil iginagalang sa kalye ang nasasalubong na de-baril na ahente nito, malayang nakasasakay ng bus. Ngayon, binansagan ito ng kilalang Batangueno na Lagayan Talamak Office at kahunan pa ang hepe nito na naglalaro sa makina ng casino, habang ang mga motorista ay hindi nabibigyan ng plaka at sticker.
Pinagtatawanan si Caloocan Mayor Oscar Malapitan sa kanyang ipinalathalang press release hinggil sa turismo sa kanyang dalawang lungsod. May tourist spot ba sa Caloocan? Ang sagot ay wala. Kung bubuhayin ang lumang mga kasuotan, maraming taga-Makati ang hihimatayin dahil ibig ng Caloocan, ni Malapitan, na maging fashionista. Ha!? Ano ang hahanapin ng turista sa Caloocan? Patayan? Naku, dapat iwasan ang Caloocan ng mga turista dahil talamak dito ang rape-for-pay. Sisigaw ng rape ang maruming babae saka magpapayad para iurong ang reklamo. Siyempre, kaparte ang pulis. Sa isang kaso ng rape-for-pay, walang nagawa ang police superintendent sa kanyang pamangkin na nabubulok sa Caloocan City Jail, maliban sa ipakiusap sa mga opisyal nito na ingatan ang bata na mahilig mag-beerhouse kapag nais “magbanlaw.”
Mali yata ang tiyempo ni Recom Echiverri sa pagbabalik niya sa Kamara. Wala nang pork barrel.
Nabistong hindi nagtatrabaho nang tapat ang Department of Budget and Management at Commission on Audit dahil sa mahaba at matagal na panahon ay nakalusot ang nga NGO ni Janet Napoles. Oo nga pala, tinawag siyang Mam Janet ni Mar Roxas, pero biglang kumambiyo at bumawi. Nahuli ba ang isda?
Hindi kayang abutin ng middle class at mahihirap sina Napoles, Senate president, speaker, DBM at COA. Para sa mahihirap at arawang obrero, napakasakit ang kanilang sinapit na ninanakaw lamang ng nasa itaas ang kanilang pera.
Sa nakalipas na press con ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, inakala ng ilang reporter na ilalaglag na niya ang mga kaalyado ng pangulo. Hindi naman niya inilaglag, pero ang transaksyon na kanyang binaggit ay sa kasalukuyang gobyerno. Pino.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sana tingnan ng ARMM governor ang pagpapatupad ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways sa Maguindanao. Kawawa kaming mahihirap. Karamihang kalsada ay inuumpisahan lang. Hindi tinatapos hanggang sa hindi na madaanan ng tao at kalakal. Para sa hayop lang yata ang ginagawa nilang kalsada. Ubos na raw ang pera. …2027
Naglilibot na ang tauhan ng isang opisyal dito sa Cotabato City at sinasabing wala na raw kaming aasahan dahil wala na raw PDAF. Pero, kahit na meron pang PDAF noon, hindi naman kami natulungan dito sa Rosary Heights. Sanay na ang mahihirap na hindi inaasikaso ng mga politiko. Talagang wala naman dapat asahan sa kanila. …8072.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.