Alessandra, Empoy lilipad pa-France para sa ‘Walang KaParis’
Tinapos munang mabakunahan ang lahat ng taong kasama sa pelikulang “Walang KaParis” sa pangunguna nina Direk Sigrid Andrea Bernardo, Alessandra de Rossi, Empoy Marquez at ang Spring Films producer na si Binibining Joyce Bernal bago sila lumipat patungong Paris, France para sa shooting ng pelikula.
Base sa kuwento ng presidente ng Spring Films Productions na si Erickson Raymundo over dinner nitong Huwebes ay kukunan sa Paris ang kabuuang 60 porsyento ng pelikula.
“Sinunod namin lahat ng health protocols kaya ‘yung lilipad ng Paris na 17 people or more tinapos muna lahat ‘yung vaccine nila. So, by August lilipad na silang lahat. Hindi ako kasama, si Joyce lang.
“Nakunan na sa Baguio ‘yung 40 percent ng movie, kaya ‘yung natitirang 60 percent sa Paris kukunan lahat,” pahayag sa amin ni Erickson.
Ito ang ikalawang pagsasama sa pelikula nina Alessandra at Empoy nauna ang “Kita Kita” na kinunan sa Sapporo, Japan na ipinalabas noong 2017 at mega blockbuster ito kaya excited ang dalawa sa muli nilang pagsasama sa “Walang KaParis” na si direk Sigrid ulit ang direktor at sumulat.
Sa kasalukuyan ay nag-a-advance taping si Empoy para sa seryeng “Nina Nino” kasama sina Maja Salvador at Noel Comia, Jr na napapanood ngayon sa TV5 mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “Sing Galing” at bago mag “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Samantalang si Alessandra naman ay kakatapos lang nilang i-shoot ni Piolo Pascual ang pelikulang “My Amanda” na siya mismo ang nagdirek at sumulat ng script na mapapanood na sa Netflix ngayong Hulyo 15 globally.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.