Pulitika sa nasyonal na halalan, nagliliyab na
Wag Kang Pikon - July 07, 2021 - 08:41 AM
Hindi natin namamalayan 86 araw na lang o sobra lang sa labindalawang linggo mula ngayon o sa Oktubre 1, magsusumite na ng “certificates of candidacy” ang mga opisyal na kandidato para sa May 2022 general elections.
Sa nasyonal, matinding abangan ang nangyayari. Sina Senador Dick Gordon at Ping Lacson ang unang nag-intensyong tumakbo bilang Presidente. Naghahanap ng ka-tandem si Gordon pero kay Lacson, nagprisinta naman si Senate President Tito Sotto bilang katambal.
Si Senador Manny Pacquiao na nasa Amerika ngayon para magboksing ay nag-oorganisa na para sa paglaban bilang Presidente, hindi lang malaman kung sa ilalim pa rin ng PDP-Laban kung saan siya ang pinuno at iniintriga ngayon.
Si ex Senator Bongbong Marcos ay nagpahayag din na lalaban bilang Pangulo at kamakailan ay nabigong kumbinsihing makatambal si Davao mayor Sara Duterte . Isama pa natin si dating House Speaker at Congressman Alan Peter Cayetano na maaga pa’y may TV SPOT na magbibigay daw siya ng P10,000 ayuda bawatpamilya. Nagpapaugong naman si Senador Bong Go na tatakbo ring Presidente at umano’y katandem pa daw si Digong , pero alam nating sa 2025 pa matatapos ang termino ng senador.
Si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay sa Oktubre pa raw magdedesisyon dahil isang regional party lamang ang kanyang organisasyon na Hugpong ng Pagbabago. Depende ito sa balita na may limang partido na gustong makipag-koalisyon sa kanya at umuugong na ka-tandem na si dating Defense sec. Gilbert Teodoro.
Si Manila Mayor Isko Moreno ay mala-Palos din ang pag-anunsyo sa kanyang desisyon. Tatakbo raw siya sa 2022 pero hindi pa tiyak ang posisyon. Meron siyang local party, ang ASENSO MANILEÑO, pero meron ding bagong koalisyong nabuo para sa kanyang pagka-presidente..
Sa oposisyon, si dating Senador Antonio Trillanes ay lalaban din para Pangulo kung hindi interesado si VP Leni Robredo na umano’y mas gustong maging gobernadora ng Camarines Sur. Pero, niliwanag ni VP Leni na bukas pa rin siyang tumakbo bilang Pangulo, pero kailangan lamang daw ay magkaisa ang oposisyon. Ang koalisyong 1Sambayan at ang Partido Liberal ang inaasahang magdadala kay Robredo sa 2022 kung saan interesado rin daw si Trillanes kahit maging running mate.
Lumilitaw na parehong pumupusisyong “independent candidates” ang dalawang pinakamalakas na kandidato sa 2022. Ito’y sina Mayor Inday Sara Duterte ng Hugpong at Isko Moreno ng Asenso Manileño. Ganoon din ang sitwasyon ni BongBong Marcos na merong sariling partidong KBL. Pero, magkakaalaman lamang ito bago mag-Oktubre kung kakampi ng Nacionalista party, NPC, NUP, at Lakas-NUCD.
Malaki rin ang posibilidad na mabuo ng Sara Duterte-Isko Moreno tandem depende sa ratsada ng mga”back channeling” sa susunod na dalawang buwan.. Ito’y Isang superlakas na kumbinasyon ng Mindanao at Luzon. Sa kabila, hindi rin matatawaran ang tambalang Leni Robredo at Manny Pacquiao lalo ngayong kumikiling sa oposisyon ang boksingero dahil sa walang tigil na banat kay Digong. Iyan ay kung mag-slide down ang senador.
Gayunman, lumilitaw pa rin na marami talaga ang hindi magpapaawat na presidentiable sa 2022. Hindi malayong maulit ang 1992 elections kung saan walong kandidato ang naglaban-laban dahil nagkasundo. Sila’y Sen. Miriam Defensor-Santiago, VP Salvador Laurel, Speaker Ramon Mitra, Ambassador Danding Cojuangco, First Lady Imelda Marcos, Sen. Raul Roco, Senate President Jovito Salonga at ang nanalong “minority president” na Defense sec. Fidel Ramos.
Sa pagsusumite ng kandidatura sa Oktubre, 2022, sa palagay ko, magpapaawat ang siyam na ito, sina Sara Duterte, Bongbong Marcos, Leni Robredo, Manny Pacquiao, Ping Lacson, Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Isko Moreno at Antonio Trillanes..
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.