Arjo nag-donate ng 24 sasakyan sa QC; Vice tuwang-tuwa sa mga naka-jackpot na masahista | Bandera

Arjo nag-donate ng 24 sasakyan sa QC; Vice tuwang-tuwa sa mga naka-jackpot na masahista

Reggee Bonoan - June 30, 2021 - 03:41 PM

HABANG wala pang masyadong pinakakaabalahan sa mundo ng showbiz, inilalaan muna ngayon ng premyadong aktor na si Arjo Atayde ang kanyang panahon sa mga makabuluhang bagay.

Isa na nga riyan ang pagtulong sa mga kababayan nating mga kapos sa buhay. Inaalam na rin niya ngayon ang mga pangangailangan ng bawa’t barangay sa District 1 ng Quezon City.

Nalaman ni Arjo na kailangan ng bawat barangay ng sasakyan para magamit kapag may emergency at para sa pang-araw-araw na ring mga operasyon.

Hindi nagdalawang-isip ang aktor na magbigay ng tulong sa pamamagitan ng Aksyon Agad campaign. Dito, nag-donate siya ng 24 service vehicles na na-turn over na sa Quezon City government.

Labis na natuwa ang mga kapitan ng barangay doon at abut-abot ang pasasalamat nila kay Arjo. Ginanap ang turnover ceremony kahapon na pinangunahan mismo ni Arjo at ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

“Maraming salamat kay Arjo Atayde sa kaniyang donasyon na service vehicles para sa mga barangay ng District 1 sa lungsod.

“Ipinamahagi na ang unang batch ng service vehicles na tinanggap ng ating mga kapitan.

“Ang mga sasakyang ito ay magagamit ng ating mga barangay upang makapaghatid serbisyo at aksyon agad sa kanilang paglilingkod sa bayan,” ayon sa pahayag ng QC government.

Samantala, wala pang opisyal na anunsyo si Arjo kung tuloy ang kandidatura niya bilang representantive ng District 1 pero anuman ang mangyari ay tuluy-tuloy pa rin ang pagtulong niya sa mga tagaroon.

* * *

Hindi mapigilan ang hiyawan nina Vice Ganda at ng songbayanan na massage therapists matapos nilang makuha ang P500,000 na jackpot prize sa nakaraang episode ng “Everybody, Sing!” na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at iWantTFC.   

Sa loob ng 86 segundong naipon mula sa naunang rounds, nakuha ng mga masahista ang lahat ng awiting pinahula ni Vice para maging ikalawang jackpot winner mula nang nagsimula ang programa.  

“Dito talaga, kapag tulong-tulong, kapag iisa lang ang minimithi, walang nag-aaway, at iisa lamang ang objective, everybody wins,” ani Vice na nagdamit bilang Cleopatra sa community singing game show.    

Sa kanilang kwentuhan kasama ang Unkabogable star, ibinahagi ng songbayanan kung paanong nabawasan ang kanilang kita ngayong pandemya dahil sa mga umiiral na quarantine restrictions. Gayunpaman, nananatili silang masayahin.

Kuwento ng isa sa kanila, namasahe na niya ang aktor na si Carlo Aquino. Hirit naman ng isa, pangarap niyang maging kostumer si Coco Martin dahil kamukha raw ito ng mga naging kliyente niya sa Lebanon.   

Sobra-sobra naman ang galak ni Vice sa kanilang pagkanalo, “Sana ang napanalunan niyo dito ay magsilbing panimula ninyo para makabangon muli. We claim it. Makakabangon kayo muli.”    

Noong Linggo naman, isang grupo ng security guards ang nakasama sa kantahan at kwentuhan ni Vice Ganda, na nag-ala music icon na si Cher. Bigo man silang maiuwi ang jackpot prize, nag-uwi pa rin sila ng P20,000 bukod sa indibidwal na cash prize na nakuha sa mga naunang rounds.   

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Samantala, mas maaga nang mapapanood ang “Everybody, Sing!” simula ngayong weekend sa bago nitong timeslot na 7 p.m. sa parehong Sabado at Linggo. 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending