John Lloyd, Dennis magsasama sana sa isang project pero nakansela dahil…
NGAYON pa lang ay super excited na ang mga loyal fans ni John Lloyd Cruz sa pagbabalik niya sa telebisyon at mukhang aprub naman sa kanila ang paglipat nito sa GMA.
Balitang gagawa raw ng sitcom ang award-winning actor at Box-Office King sa Kapuso network kasama si Willie Revillame at si Andrea Torres bilang comeback project ni Lloydie.
Maraming Kapuso viewers ang natuwa nang malaman nilang sa GMA napili ni John Lloyd na magkaroon ng grand comeback at ngayon pa lang ay nangangako sila na susuportahan nila nang bonggang-bongga ang aktor bilang Kapuso.
Ngunit lahat ng yan ay puro chika pa lang kaya hangga’t wala pang formal announcement sina Willie at Lloydie pati na ang mga bossing ng GMA ay huwag na muna tayong umasa.
Pero knows n’yo ba na may gagawin din sanang proyekto si John Lloyd at ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo pero napurnada nga lang dahil sa COVID-19 pandemic?
Kuwento ng “Legal Wives” lead star, nakaplano na sana ang pagsasamahan nilang project ni John Lloyd pero nakansela ito nang dahil sa killer virus.
“Nagka-pandemic, hindi siya nagkatotoo. Hindi siya natuloy. Pero open pa rin ‘yung project na ‘yon. Dapat makakatrabaho ko siya roon and sobrang hoping ako,” sabi ni Dennis sa panayam ng GMA.
Samantala, malapit na ring bumandera sa GMA Telebabad ang first ever Kapuso cultural drama na “Legal Wives” na pinagbibidahan nga ni Dennis kasama ang tatlo niyang leading ladies na sina Alice Dixson, Andrea Torres at Bianca Umali.
Tungkol ito sa makulay ngunit masalimuot na buhay ni Ishmael (Dennis), isang Muslim mula sa lahi ng mga Mranaw na mapapangasawa ang tatlong babae, sina Amirah (Alice), Diane (Andrea), at Farrah (Bianca).
Ayon kay Dennis, talagang binusisi ng production ang bawat detalye ng serye dahil nga sensitibo ang topic at masusing pinag-aralan ng mga karakter at ang mga tradisyon at kultura ng Muslim.
Mula sa script, location, sa mga costume hanggang sa maging look ng cast ay talagang tinutukan, “Napakaimportante kasi nung look para maniwala sila do’n sa character.
“Kapag hindi masyado nag-effort du’n sa look mo, kapag isang plain lang na Dennis Trillo, tapos para ‘yun lang ‘yung mapapanood nila na dinamitan mo lang ng ibang costume, parang kulang ‘yung gano’n, e,” ani Dennis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.