‘Probinsyano’ ni Coco sasabak sa mahaba-habang lock-in taping; tatapusin na kaya sa Setyembre?
POSIBLE palang last cycle na ng taping ng “FPJ’s Ang Probinsyano” dahil sasabak na ang buong cast at production sa mahabang-mahabang “lock-in.”
Ito’y base na rin sa kuwento ni Yassi Pressman sa kanyang solo virtual mediacon para sa bago niyang game show ng TV5 (bilang host) na “Rolling In It Philippines.”
Natanong kasi ang dating leading lady ni Coco Martin sa nasabing action-drama series bilang si Alyana kung posible bang ma-guest ang aktor sa game show niya.
Ani Yassi, “Alam ko po may lock in taping sila nang mahabang-mahaba. So, baka tapos na ‘yung show namin (bago sila matapos ng taping).”
Matatandaang nabanggit dati ni Angel Aquino na gumaganap bilang si Gen. Diana Olegario sa “Ang Probinsyano” na lahat sila sa cast ay nasa “ending mode” na ng taping hindi nga lang niya alam kung kailan ito magtatapos dahil wala pa namang sinasabi sa kanila.
Pero sa nabanggit nga ni Yassi na mahabang-mahaba ang lock-in taping at nasa ending mode na ang buong cast, e, baka nga magtatapos na ang “Probinsyano” na mag-aanim na taon na ngayong darating na Setyembre.
Hmmmm, baka nga naman paabutin ito ng Setyembre at Mayo pa lang ngayon kaya puwedeng abutin sila ng apat na buwan sa taping nang walang uwian.
Anyway, base rin kasi sa tumatakbong kuwento ng “Ang Probinsyano” ay bihag na nina Richard Gutierrez si Michael de Mesa na posibleng bumalik sa grupo ng Task Force Aguila.
Magkikita na sina Cardo at Renato (John Arcilla) kasama ang grupo nito dahil nilusob nila ang bahay kung saan matatagpuan ang buong Task Force Aguila plus Jane de Leon bilang si Kapitan Lia Mante ng Black Ops.
May nagsabi rin sa amin na maraming mahahalagang karakter sa kuwento ang mawawala sa mga susunod na episode.
At in fairness malakas pa rin ang programa ni Coco kahit sinasabing paulit-ulit na lang ang takbo ng kuwento nito. May mga bago pa ring celebrity guest ang pumapasok dito at bawa’t isang karakter ay may sariling kuwento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.