Miss Bulgaria kontra sa pagkapanalo ni Andrea sa Miss U; mas bet sina Miss Canada at Rabiya
HINDI raw deserving manalong Miss Universe 2020 ang kandidata ng Mexico na si Andrea Meza.
Ibinandera ni Miss Bulgaria na si Radinela Chusheva ang kanyang saloobin at pagkadismaya sa naging resulta ng katatapos lang na 69th edition ng Miss Universe pageant na ginanap sa Amerika.
Sa pamamagitan ng Instagram Stories, sinagot ni Radinela ang ilang question mula sa kanyang followers, kabilang na ang tungkol sa grand coronation night ng nasabing international pageant.
Ayon kay Miss Bulgaria, mas feel niyang tanghaling winner ang early favorite na si Miss Canada Nova Stevens na naging biktima naman ng pamba-bash at panglalait ng ilang Pinoy pageant fans.
Mas deserve raw ni Miss Canada ang korona at titulo kung siya ang tatanungin, “She’s the best! It’s my icon! (heart emoji).”
Tanong sa kanya ng netizen, “Do you think Mexico Deserve the crown? “No!” ang diretsong reply pa ni Miss Bulgaria.
Bukod kay Miss Canada, kasama rin sa top choices ni Miss Bulgaria na pwede at karapat-dapat manalo si Miss Philippines Rabiya Mateo pati na raw ang mga kandidata mula sa Thailand, Malaysia, Cambodia, at Costa Rica.
Samantala, isang netizen na umano’y mula sa Mexico ang nagpaalala kay Miss Bulgaria na baka ma-bash din siya at awayin ng fans dahil sa pagpapakatotoo niya.
Ngunit nanindigan pa rin si Radinela sa kanyang sinabi, “Sorry not sorry!”
“I’m just telling you what I think! I (spent) more than 10 days with 73 girls! Still don’t know which one was Mexico,” aniya pa.
Kasunod nito, humingi rin siya ng paumanhin dahil hindi pa raw siya fluent sa English, “PS: Excuse my English! its not good.”
Sumang-ayon din siya sa sinabi ng isa niyang IG follower na baka raw may kinalaman ang pagkapanalo ni Andrea Meza sa media partnership ng Telemundo at ng Miss Universe organization.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.