Dating PGT finalist arestado sa buy-bust operation ng PDEA
HIMAS-REHAS ngayon ang dating “Pilipinas Got Talent” finalist na si Mark Joven Olvido matapos maaresto sa isang buy-bust operation.
Nangyari ang anti-illegal drug operation na isinagawa ng mga operatiba ng Sta. Cruz Muncipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 4 nitong nagdaang Biyernes sa Barangay Duhat, Sta. Cruz, Laguna.
Ayon sa ulat ng pulisya, ipinrisinta sa harap ng ilang opisyal ng Sta. Cruz, Laguna at mga miyembro ng media ang ilang ebidensya na nakumpiska kay Olvido na nakilala bilang Vape Master.
Kabilang sa mga nasamsam kay Olvido ang tatlong piraso ng heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at marked buy-bust money (P2,000).
Sasampahan ng mga otoridad si Olvido ng kaso dahil sa paglabag sa Section 5 at Section11 ng Article ll ng Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ng 2002.
Nagsimulang sumikat si Olvido nang manalo bilang 3rd runner-up sa “Pilipinas Got Talent Season 6” ng ABS-CBN dahil sa galing niya sa paggawa ng iba’t ibang imahe sa pamamagitan ng paggamit ng vape.
Nakagawa rin siya noon ng ilang TV show kabilang na ang guesting niya sa “Ang Probinsyano” ni Coco Martin (2018). Nakasali rin siya sa mga pelikulang “3Pol Trobol, Huli Ka Balbon!” noong 2019 at “Unli Life” taong 2018.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.