Tekla, Marco, Donnalyn nagkapikunan dahil sa 'P1M pool challenge', may nandaya nga ba? Bandera

Tekla, Marco, Donnalyn nagkapikunan dahil sa ‘P1M pool challenge’, may nandaya nga ba?

Ervin Santiago |May 12,2021
share this

Tekla, Marco, Donnalyn nagkapikunan dahil sa ‘P1M pool challenge’, may nandaya nga ba?

Ervin Santiago May 12,2021 - 09:40 AM

NAWASAK na nga ba ang friendship ng mga celebrity vloggers na sina Marco Gumabao, Donnalyn Bartolome at Super Tekla nang dahil lamang sa isang challenge?

Hot topic ngayon sa social media ang napakahabang cryptic message ni Donnalyn sa Facebook tungkol sa pag-delete niya sa isa niyang YouTube video kung saan nakasama niya ang ilan sa mga kaibigan niya sa showbiz at sa vlogging community.

Hindi man binanggit ni Donnalyn ang mga taong involved sa kanyang FB status, marami ang nagsabi na posibleng ang tinutukoy ng actress-singer ay sina Marco at Tekla.

May ibinigay kasing challenge si Donnalyn sa mga napili niyang celebrity contestants kung saan ang magiging winner ay tatanggap ng P1 million. Ito’y pinamagatang “LAST TO LEAVE THE POOL WINS 1 MILLION PESOS.”

Bukod kina Marco at Tekla kumasa rin sa hamon sina Donita Nose, Asian Cutie at Mika Salamanca.

Ngunit nang dahil daw sa naging resulta ng challenge matapos magkapikunan ang ilang challengers ay nagdesisyon si Donnalyn na i-delete na lang ang nasabing vlog.

Narito ang bahagi ng FB post ni Donnalyn, “Deleted na yung vlog okay na tayo? 1M yun. 1 Million pesos galing saakin mismo yung pera na yun.

“Tingin niyo madali lang ibibigay ang 1M? Malamang may ahas at crocodile du’n kaya mas okay magsialisan na lahat sa pool, nangangagat talaga yung mga buhaya na yun.

“Kaya nga tayo may waiver at medic kasi unsafe. Kaya ko doblehin yang 1M na yan making content with you guys, kikitain natin yan kahit di kayo manalo so sana walang pikunan. (heartbreak emoji). Sayang friendship grabe.”

Pagpapatuloy pa ni Donnalyn, “LAST TO LEAVE THE POOL WINS 1 MILLION PESOS tapos kailangan bawal new rules? Pwede umakyat sa railing for like 30 seconds and still be in the game? Come on.

“Magtanim na lang tayo ng puno kesa magtanim ng galit,” dagdag pa niyang pahayag.

Dahil deleted na ang video sa YouTube channel ni Donnalyn hindi na nga ito mapapanood pero may ilang netizens ang nagkomento sa post ng aktres at nagkuwento kung ano ang naganap sa challenge.

Patagalan daw sa pool ang labanan at kung sino nga ang huling matitira ang siyang mananalo ng P1 million. Pero ang twist, nilagyan ng iba’t ibang insekto at hayop ang swimming pool tulad ng ipis, ahas, palaka at mga baby crocodile. Kaya nga raw may mga medic na nakaantabay sa venue dahil baka may masaktan o maaksidente sa mga contestants.

Ayon pa sa kuwento ng ilang nakapanood sa vlog, unang na-out sina Donita, Mika at Asian Cutie. Kasunod nito, nagkainitan na raw sina Donnalyn at Marco matapos daw bumitin si Marco sa railing ng pool at umangat ang paa sa tubig.

Tanggal na raw ang aktor sabi ni Donnalyn ngunit hindi ito pumayag dahil nasa pool pa rin naman daw siya. Kaya naman dinagdagan ni Donnalyn ang rule — wala raw aangat sa tubig kasabay ng paglalagay ng marker para walang lalampas sa floaties.

Sa isang eksena naman isang baby buwaya raw ang lumapit kay Tekla kaya napaurong ito at lumampas sa markading floatie. Sinabi ni Donnalyn na out ang Kapuso comedian pero nangatwiran din ito.

Nagkaroon ng diskusyon sina Donnalyn, Marco at Tekla hanggang sa umahon na sa swimming pool sina Marco at Tekla at tuluyan nang umalis.

Hinihintay naman ng mga netizens kung ano ang magiging paliwanag nina Marco at Tekla sa nasabing kontrobersya. May ilang netizens naman ang nagsabi na baka raw isa na naman itong prank.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending