Napoles, very, very important prisoner
HINDI na ako nagtaka kung baki sa Sta. Rosa jail ilalagay si Janet Lim-Napoles . Hindi rin ako nagtaka kung bakit umamin agad ang BJMP na hindi nila ito kayang bigyang seguridad sa Makati City Jail. Maging ang PNP di rin magarantiyahan ang kaligtasan ni Napoles kahit madami at ilang shifting ng pulis ang gawin nila. Siyempre, wala ring magagawa si Makati RTC Branch 150 judge Elmo Alameda kundi iutos ang paglipat dito. Hands up agad ang BJMP at PNP na ang boss ay si DILG sec. Mar Roxas.
Pero, hindi bat napakabilis yata ng pangyayari.
Naglabas ng P10-M reward si PNoy nang umaga. Nagnegosasyon bago magtanghali at pagkatapos sinundo ni Pres. spokesperson Edwin Lacierda sa Heritage Park, Taguig Huwebes ng gabi. Dinala sa Malakanyang at nakausap si PNoy ng 10 minuto, nag-convoy sa Kampo Krame kasama pa si PNoy at ikinulong sa opisina ni Roxas.
Nanatili doon hanggang alas diyes ng gabi at pinatulog sa isang aircon na kwarto sa Makati city jail. At kinabukasan, may sarili na ring aircon na kwarto sa kulungan noon nina ERAP at Nur Misuari sa Sta Rosa Laguna. Hindi ako magtakaka kung may magandang visitation rights ito at di maglalaon may makakasama pang katulong doon. Talagang VERY VERY important Prisoner. Lahat sa loob lamang ng 36 hours.
Scripted nga ba? Merong balitang kumalat galing sa Facebook account ni Don Lino Celle ng DZXL-WRMN New York na isang araw bago ang surrender, nahuli na raw ng mga otoridad at itinago sa isang undisclosed location sa Norte ng Metro Manila. Tinanong siya ulit ni US based broadcaster Gel Santos Relos pero iginiit ni Celle na totoo ang kanyang sinasabi at di niya mabubulgar ang kanyang source.
Kung totoo ito, isang malaking drama ang nangyari . Kung hindi naman totoo, parang napakabilis naman at eksaktong eksakto ang mga pangyayari nang inilatag kay Napoles. Saan kayo maniniwala? Kung ako ang tatanungin, mukhang malaking drowing ang nasaksihan natin.
v v v
Maraming senatong, tongressmen at mga Department USEC, ASEC at iba pang opisyal ng mga line agencies tulad ng Deparment of Agriculture, Department of Agrarian Reform pati Commission on Audit ang hindi makatulog ngayon dahil baka madawit sila sa kasong plunder kaugnay ng P10-B pork barrel scam. Sumuko na si Napoles habang nagsimula na rin ang imbestigasyon ng Senado sa mga BOGUS NGO’s na nadiskubre ng COA.
Pero sa naturang public hearing, nadidiiin kaagad ay mga taga-oposisyon katulad nina senador Enrile, Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Gringo Honasan at Bongbong Marcos. At ang laging hamon nila, ibulgar din daw ang kumpletong report kung saan sangkot din ang mga kapanalig ni PNoy at ng Liberal Party. Meron nga ba? Sa totoo, tanging si Mrs Napoles ang makakapagsabi niyan.
Sa mata ng oposisyon, sila ang target ng administrasyon dito, partikular sa 2016 elections. At tingin nila. gagamitin ng administrasyon si Napoles upang wasakin ang alinmang presidential ambition sa susunod na halalan. Pero, siyempre, sawa na ang tao sa ganitong depensang pulitika. Mas may kamandag ang linya na kungsaan magtutungo ang ebidensya tiyak na mananagot.
At katunayan, tingin ko mawawasak na dito ang oposisyon lalo na ang UNA. Hindi malayong bukod kina Enrile, Jinggoy , pati si Binay at asawa nito ay mahahagip din ng palakol ng Liberal Party. Ang mahirap lamang, pera ng bayan ang sinasabi ritong ninanakaw nina Enrile at ng oposisyon. Paano sila kakampihan ng bayan? Kung ako sa kanila, ibandera na rin nila ang mga anomalya ng Daang matuwid nang magkaaalaman na.
v v v
May tanong o komento? I-text PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.