Janet, puyat nang ibiyahe
SANTA, Rosa City, Laguna — Ibiniyahe ng tatlong mahahabang convoy ng pulis si Janet Lim Napoles sa kanyang selda sa loob ng National Police Special Action Force Training Branch dito alas-6:20 kahapon ng umaga na wala pang tulog at nakaposas.
Sa mga retrato na kuha ng PNP, makikita ang mahina si Napoles habang pumapasok, kasama ang kanyang asawang si Jimmy, sa dalawang silid na bungalow sa gitna ng walong ektaryang kampo.
Nakasuot si Napoles ng itimang jeans at bulaklaking pang-itaas. Hindi nagbigay ng detalye si Director General Carmelo Valmoria, maliban sa sinamahan ang ginang ng asawang si Jimmy simula nang umalis ang convoy alas-5 ng umaga sa Makati City Jail.
Ayon sa residenteng si Jun Nicolas, ngayon lamang siya nakakita ng napakahigpit na seguridad sa labas ng kampo.
Inalmusal ni Napoles ang soda crackers at rarasyonan ng pagkain tatlong beses sa isang araw, na tulad ng kinakain ng mga pulis-SAF.
Ang bawat pulis ay may nakalaang P115 sa tatlong pagkain sa isang araw. Inamin ni Valmoria na maalinsangan sa bungalow kapag araw at malamig kapag hapon at gabi.
Hindi binigyan ng electric fan si Napoles pero maaaring payagan itong magdala ng maliit na ref para sa kanyang mga gamot. May diabetes si Napoles.
Ang blood pressure ni Napoles ay 120/90 nang ipasok sa silid ng bungalow, na may sukat na 82.4 metro kuwadrado. Ang receiving room ay 40 metro kuwadrado, kubeta, 3.25 metro kuwadrado; at silid, 12.8 metro kuwadrado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.