Babala: Mag-ingat sa ibang bansa | Bandera

Babala: Mag-ingat sa ibang bansa

- March 22, 2010 - 01:11 PM

Target ni Tulfo, Mon Tulfo

SI Cecilia Silva, 29, turistang Pinay, ay inaresto ng Australian customs at ipinasa sa pulisya roon at ikinulong matapos paghinalaan na ang tsaa sa kanyang luggage ay amphetamine o ipinagbabawal na gamot.
Pinakawalan lang si Silva matapos ang ilang araw nang malaman ng mga awtoridad na talagang tsaa at hindi shabu ang kanyang dala.
Nang dumating si Silva sa Melbourne galing ng Maynila, nag-react ang mga drug-detection dogs sa tea packets na nasa kanyang bagahe.
Noon lang siguro nakaamoy ng tea sa packet ang mga aso.
Alam ninyo kasi, dear readers, may pagka-pareho ang tea, na may caffeine, sa amphetamine.
Ang caffeine at amphetamine ay parehong nagpapasigla o nagbibigay ng “high” sa nakainom nito.
A big dose of caffeine makes one awake all night long just like amphetamine which is a prohibited drug.
Noong araw na hindi pa bawal ang amphetamine, ginagamit ito ng mga estudyante na nagka-cram for their exams upang di sila makatulog.
Kaya’t matuto kayo sa karanasan ng kawawang Cecilia Silva.
Huwag kayong magdala ng anumang gamot o inumin sa ibang bansa na maaaring mapagkamalan na droga.
* * *
Ang consuelo de bobo kay Cecilia ay pinagsisihan ng Australian government ang kanyang maling pagkakakulong at binigyan siya ng A$5,000 (US$4,600) bilang danyos perwisyos.
Pero payat na payat si Cecilia matapos siyang mapakawalan dahil marahil sa tension at takot.
Hindi mabibigyang halaga ng pera ang pinagdaanang hirap ni Silva sa kulungan.
* * *
Yung ating mga kababayan na mahilig sa pirated DVD at fake na mga signature bags at relo, isang babala:
Huwag magdadala ng pirated DVD sa America at mga fake na signature bags at relos sa Europa.
May alam ako na ilang kababayan natin na hindi pinapasok sa America matapos makitaan sila ng pirated DVD sa kanilang bagahe.
Ganoon din yung mga nagdala ng fake Louis Vuitton at ibang signature brands sa Europa: May ibang Pinay na hinold ng immigration at iba naman ay ikinulong na panandalian.
Isang kaibigan ko ang pumunta ng Switzerland. Nang malaman ng customs officer na siya’y Pinoy, tinanong siya kung saan niya binili ang kanyang Rolex watch.
Itong aking kaibigan ay mapagbiro at palaging nagpapatawa sa kanyang mga kaibigan sa Pilipinas.
Akala niya siguro ay nasa Pinas pa siya.
Kaya’t sa tanong kung saan niya binili ang kanyang Rolex, sinabi niya na binili niya ito sa Taiwan at ito’y fake na Rolex.
Ang totoo, tunay na tunay ang kanyang Rolex. Gusto lang niyang magpatawa.
Pinahubad ng customs officer ang kanyang Rolex, ibinagsak sa semento at pinadyakan ang relo hanggang mabasag.
Sising-sisi ang aking kaibigan sa kanyang biro na hindi naintindihan ng Swiss customs officer.
* * *
Tayong mga Pinoy ay may sense of humor. Madali tayong magpatawa at naiintindihan tayo ng kapwa Pinoy na tumatawa sa ating joke.
Pero dapat ay tingnan natin kung ang joke natin ay babagay sa mga taga-ibang bansa.
Nang nasa Hong Kong ako at umiinom ng beer sa isang restaurant, naubos agad ang laman ng aking beer mug.
Tinawag ko ang waitress at sinabi ko na “may butas” sa puwit ng aking beer mug.
Sa Pilipinas, maiintindihan agad ito ng waiter o waitress, matatawa siya at dadalhan ka kaagad ng refill o bagong bote ng beer.
Pero hindi yung waitress sa Hong Kong.
Inangat niya ang mug at inusisa.
Nagalit siya sa akin at sinabing nagsisinungaling ako dahil wala naman daw butas ang aking mug.
Tinawag pa ng loka yung manager ng restaurant at dinala sa aking table.
Tinanong ako ng manager kung anong problema at di agad ako nakasagot.
Parehong di marunong magsalita ng English yung dalawang Intsik na waitress at manager.
Matagal bago nalaman noong manager na ako pala ay nagbibiro lang.
Moral of the story: Piliin mo ang bibiruin mo!

Bandera, 032210

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending