Pag-uwi ni Tessie Tomas sa Pinas para madalaw ang ina napurnada dahil sa UK lockdown
“NAKAKALUNGKOT, depressed ako!” Yan ang naramdaman ng veteran actress na si Tessie Tomas nang hindi makauwi sa Pilipinas mula sa Isle of Man sa United Kingdom.
Bigla kasing nagpatupad ng 21-day community lockdown doon kaya hindi natuloy ang pagbabalik sana niya sa Pilipinas para mabisita ang kanyang inang may sakit.
Sa ipinost niyang video sa kanyang YouTube channel, ang “TessTube,” ibinalita ng aktres ang mga kaganapan sa kanyang kinaroroonan sa gitna nga ng patuloy na banta ng COVID-19 at ng bagong variant nito.
“January 5 dapat nakabalik na ako sa Pinas para madalaw ko Nanay ko” ayon kay Tessie na ang tinutukoy ay ang 92-year-old veteran actress at radio icon na si Laura Hermosa.
Patuloy pang kuwento ng dating TV host, “Hindi ako natuloy, nag-rebook ako sa February because of the new COVID virus na hindi allowed ang trips from UK to many countries, including the Philippines. Nakakalungkot, depressed ako!”
Ngunit ayon sa beteranang aktres at kilalang komedyana, mas pinatatag at mas pinatapang pa raw siya ng mga nangyayari sa UK, kabilang na riyan ang paglaban sa napakalamig na panahon doon lalo na ngayong ibinalik ang lockdown.
“Ang observation ko po, tumibay po ako. Hindi lang po sa aking emosyon kung hindi pati sa weather kasi malamig po talaga ang winter dito. Ngayon po siguro 5-7 degrees kami kaya hindi po madali,” pagbabahagi ni Tessie sa madlang pipol.
Kuwento pa niya, istrikto rin nilang sinusunod ng kanyang asawang si Roger Pullin ang health protocols doon, lalo na ang mga guidelines sa pag-iimbak ng pagkain kabilang na ang “regulated supply of fruits and vegetables.”
“Alam n’yo po, wipeout ang mga fruits, veggies. Lahat naman meron, ‘yung mga canned goods, juices, meron ding milk and importante ‘yung bread. Importante ang bread. Saka nakapamili na rin naman si Roger kaya enough na ang supplies namin,” kuwento pa ni Tessie Tomas.
Naibahagi rin ng aktres ang pagpunta niya sa isang simbahan doon ngunit pagdating niya sa lugar ay sarado na ito dahil nga sa lockdown.
“Kapag mabigat ang dinadala ko, dito ako nagpupunta, iba ‘yung nakapagdarasal ka kapag down na down ka, feeling lost and fearful,” aniya pero hindi nga siya nakapasok dahil sarado ang simbahan kaya mas lalo raw siyang nalungkot.
Hirit pa ni Aling Teysi, kailangang huwag pa ring magpakakampante dahil nakakatakot pa rin ang panahon at patuloy pa rin ang banta ng virus, “Nakakalungkot and nakaka-depress nga pero maganda lang akong magdala!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.