‘Alden’s Reality’ libre nang mapapanood; P-Pop group na BGYO 2 taon nag-training
HANDANG-HANDA nang makipagsabayan sa iba’t ibang P-Pop boy groups ngayong 2021 ang BGYO na naunang nakilala bilang SHA Boys.
Sa isang interview, sinabi ni Lauren Dyogi, ang head ng Star Hunt Management Entertainment Production at Star Magic, na isa mga plano nila ang pasukin ang idol industry.
Sinimulan ng “Star Hunt” ang pagbuo ng boy group noong 2018. Matapos ang dalawang taon at matinding training malayo sa kanilang mga pamilya, handa na sina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate na ipakita ang kanilang husay sap ag-awit at pagsasayaw sa international stage.
Unang napanood ang lima sa “ASAP” kung saan inawit nila ang “On” ng kilalang K-Pop group na BTS. Umani ang grupo ng papuri mula sa manonood at iba pang artist dahil sa kanilang galing.
“Noong nakita ko silang nag-perform sa ASAP, sinabi ko sa sarili ko, ‘Sulit yung hirap.’ Hindi pwedeng hindi mo suportahan ang mga batang ito. Maiisip mo kung gaano pa sila gagaling sa susunod na dalawa o tatlong taon,” sabi ni Direk Lauren.
Humamig naman ng halos 2 million views, 75,000 reactions, at 3,300 comments ang performance nila sa “It’s Showtime” wala pang isang araw mula ito ay pinost sa social media.
Bukod dito, nakita din sila sa “PBB Connect” Opening Night, KTX Pre-show: P-Pop Rise, at ang huling Christmas Special.
Kahit naman hindi sila napapanood sa telebisyon, trending at pinag-uusapan linggo-linggo ng netizens ang BGYO.
Handa nang ilunsad ng BGYO ang una nilang single ngayong buwan sa isang malaking online event sa KTX.ph.
* * *
Ngayong Linggo, Jan. 17, muling balikan ang soldout at first ever virtual reality concert sa Pilipinas ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa “Alden’s Reality: The TV Special.”
Matatandaang naging trending topic pa ang “Alden’s Reality” noong mismong concert date nito last Dec. 8. Ngayong Linggo, may chance na ang mga nakapanuod sa concert na kiligin at ma-experience ulit ito.
Pero ang mas maganda rito, kahit ang mga hindi nakabili ng ticket dati ay makakapanood na rin dahil ipalalabas na ito sa GMA. Pati mga Kapuso abroad ay may chance ring makapanood dahil eere ang “Alden’s Reality: The TV Special” sa GMA Pinoy TV.
Ang “Alden’s Reality” ay produced ng GMA Synergy. Si Paolo Valenciano ang creative director nito habang si Miggy Tanchanco naman ang TV director.
‘Wag palampasin ang trending concert ni Alden Richards ngayong Linggo, 7:40 p.m., pagkatapos ng “Daig Kayo ng Lola Ko”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.