MAHIGPIT na binabantayan ng Bureau of Immigration, sa tulong ng Coast Guard, ang mga islang malapit sa Mindanao at Indonesia kung saan maaring dumaan ang utak ng P10 bilyon pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Naniniwala ang mga otoridad sa posibilidad na gagamitin ni Napoles ang kanyang tatlong yate sa paglabas ng bansa.
Sinabi ni BI commissioner Siegfred Mison na nakakuha sila ng impormasyon na mayroong tatlong yate si Napoles na nakahimpil sa Manila Yacht Club.
Subalit nang magpunta ang mga otoridad doon ay wala ang mga sasakyang pandagat. Samantala, kinumpirma ni Justice Sec. Leila de Lima na nasa bansa pa rin si Napoles at kapatid nitong si Reynald Lim.
“Wala kaming reports na sinasabi na nakalabas na si Mrs. Napoles and the brother. All existing leads na nakakalap ng National Bureau of Investigation point to the fact that they are still here but they are hiding,” aniya.
Idinagdag ni Mison na mahihirapang makapuslit ng Pilipinas ang magkapatid dahil kanselado na ang kanilang pasaporte.
Aniya pa, mahigpit pa rin ang ginagawang pagbabantay laban sa dalawa sa mga paliparan at pantalan kung saan nakapaskil din ang kanilang mga larawan.
Humingi na rin ng tulong ang BI sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ingatan ang pagproseso sa mga pasaporte.
Pinaghahanap sina Napoles at Lim dahil sa kasong serious illegal detention
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.