Donita Nose nakabili na ng sariling bahay: Naawa ang Panginoon, ibinigay pa rin niya sa akin 'to

Donita Nose nakabili na ng sariling bahay: Naawa ang Panginoon, ibinigay pa rin niya sa akin ‘to

Ervin Santiago |January 13,2021
share this

Donita Nose nakabili na ng sariling bahay: Naawa ang Panginoon, ibinigay pa rin niya sa akin ‘to

Ervin Santiago | January 13,2021 - 09:10 AM
SA kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan ng Kapuso comedian na si Donita Nose noong nakaraang taon, may mga bonggang blessings pa rin na dumarating sa buhay niya.

Isa na nga riyan ang katuparan ng isa sa kanyang mga pangarap mula pa noong pumasok siya sa showbiz — ang makabili ng sariling bahay para sa kanila ng kanyang nanay.

Ipinasilip ng komedyante sa publiko ang nabili niyang bahay sa loob ng isang bagong gawang subdivision sa Cavite sa pamamagitan ng bagong vlog sa YouTube channel nila ni Super Tekla, ang “Donekla In Tandem.

Wala pang mga kagamitan sa loob ng dalawang palapag na bahay pero sabi ni Donita dito na sila maninirahan ng kanyang ina kapag fully-furnished na ito. Bibigyan din niya ng isang kuwarto si Tekla para meron itong tutuluyan kapag nais nitong magbakasyon doon.

“Siyempre, excited ako, no! Kasi this is it na talaga. Di ba, para sa atin naman ‘to, siyempre,” simulang pahayag ni Donita o Rodello Solano sa totoong buhay habang nagmamaneho papunta sa nabiling bahay.

“Magkano?” diretsong tanong sa kanya ni Tekla na sinagot ni Donita ng, “Mura lang naman siya. Kayang-kaya mo.”

Hirit uli ni Tekla na hawak-hawak na ang susi ng bahay, “Balita ko nasa 10 million?” Sagot naman ng kanyang kaibigan, “Hindi naman. Nasa P9.9 (million). Ha-hahaha! Charot! Hindi, a! Mura lang ‘yong bahay na nakuha ko. Hindi naman ‘yon ano…dyusko naman.

“Alam mo namang mahirap lang tayo, ‘di ba? Basta ang importante is ‘yong meron tayong naipundar. Tapos kasama mo ‘yong family mo. Kasama ka. Magkakasama tayo. ‘Yun ‘yung importante,” chika pa ni Donita.

Sa isang bahagi ng video kung saan sinimulan na nilang ikutin ang bahay, sinabi ni Tekla kay Donita, “I’m so proud of you, beshy, kasi isa ito sa mga achievement mo.”

“This is it, beshy! Welcome to my house,” ang sey naman ni Donita nang pasukin na nila ang bagong house. Napa-wow naman si Tekla sa ganda ng pagkakagawa sa nasabing unit.

May apat na kuwarto ang bahay, tatlong CR, kusina, dirty area, dalawang malawak ng espasyo na pwedeng maging living room at entertainment area, and with matching balcony pa.

Gusto raw palagyan ni Donita ng bar ang kitchen at bathtub naman sa master’s bed room.

“At ito na nga mga ka-tandem, sobrang happy ako. Napakasaya ko kasi natupad na isa sa mga pangarap ko, of course, ang magkaroon kami ng sariling bahay na noon ko pa inaasam.

“Talagang mahirap, na actually before pandemic ko pa siya actually nakuha pero talagang noong pandemic, hindi na ako umasa kasi nga sabi ko wala nang kita, wala kaming trabaho.

“Pero still, naawa ang Panginoon ‘di ba. Mabait pa rin ang Diyos. Binigay pa rin niya sa akin ‘to. Pinilit ko pa rin siyang makuha at eto na siya ngayon, finally dito na kami.

“So maraming, maraming salamat sa Panginoon at siyempre sa inyo mga ka-tandem dahil kayo rin ang susi kung bakit ko nakuha ito,” pahayag pa ng stand-up comedian.

Sey ni Tekla, “Ang ganda ng pasok ng taon. Bagong taon, bagong bahay.”

“Bagong buhay at mga bagong vlogs ang aabangan n’yo sa Donekla,” hirit naman ni Donita.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending