DEAR Atty.:
Magandang araw po, Atty.
Sana po ay masagot n’yo ang aking katanungan. Isa po akong gas attendant dito po sa Petron sa Makati City.
Itatanong ko lang po ma’am kung bakit hindi po minimum ang sahod namin? Regular na po kami, may five years at may 10 years na po kami dito bilang mga gas attendant. Ang pasahod po sa amin P330 lang tapos otso oras pa.
Natatakot naman po kaming magreklamo at baka kami tanggalin. Mahirap po ang walang trabaho. Sana ay pakiimbistigahan ang mga may-ari ng Petron dito po sa Makati. Hindi ko na po babanggitin ang pangalan ko at kung saang lugar kami dito sa Makati at baka mabasa ng manager namin at pag-initan ako. Maraming salamat po, Atty. —Gas boy
Dear Gas boy:
Magsampa kayo ng demanda sa National Labor Relations Commission at ang labor arbiter ang magbibigay hustisya sa inyong reklamo.
Huwag kayong matakot na magreklamo dahil kapag hindi kayo magrereklamo, wala kayong aasahang tugon o aksyon. Hindi maaksyunan ang inyong reklamo kung hindi kayo maglalakas-loob na magsasampa ng pormal na demanda. Kung hanggang sa kwento lang, maituturing na kwentong-kutsero lang ang inyong hinaing.
Kung sa tingin ninyo ay naagrabyado na kayo, aba dapat lang magreklamo. Kung seryoso ang inyong hiling, se-seryosohin din ng labor arbiter ang pagsita sa inyong employer.
Paano malalaman ng labor arbiter kung sino ang sisingilin ng pagkukulang sa inyong minimum wage kung hindi ninyo idedemanda ang inyong employer.
At bilang bahagi ng due process, bibigyan din sila ng pagkakataong depensahan ang sarili nila.
Totoong maaari kayong tanggalin ng employer ninyo sa trabaho habang kayo ay nasa kalagitnaan ng demanda, ngunit kung ang pagtanggal sa inyo ay walang due process, pananagutin sila ng batas. Ibig sabihin, magbabayad at magbabayad din ang inyong employer ng danyos sa inyo.
Sumangguni kayo sa Public Attorney’s Office sa National Labor Regulation Commission. Libre ang magpatulong sa kanilang tanggapan. Ito ang libreng serbisyo para sa manggagawa. Sana ay naliwanagan kayo. —Atty.
Dear Atty:
Pwede po kaya akong humingi ng sustento sa dati kong mister para sa aming anak? —Ex-wifey
Dear Ex-wifey:
Gaya ng mga dati nang tanong sa atin dito at naging sagot na rin natin sa mga nauna nating kolum: oo, maaari kayong humingi ng sustento sa dati ninyong mister para sa inyong anak o mga anak.
Para sa pagkolekta ng financial support, mag-sampa kayo ng petition for support at support pendete lite sa Regional Trial Court kung saan ikaw at ang iyong mga anak ay nakatira.
Pagkatapos ay mag-submit ka ng ebidensya (tulad ng birth certificate ng mga anak, at marriage contract kung kayo ay kasal).
Tapos, hintayin ang pagbibigay ng Judge ng order upang makakolekta ng financial support. —Atty.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.