MATAGAL nagsama sina Rene at Aida. Hindi man kasal ay nagkaroon sila ng isang anak.
Dahil sa hirap ng buhay, nagsumikap makapag-abroad sa Europa bilang domestic helper si Aida. Naiwan sa pangangalaga ni Rene ang kanilang anak.
Di nagtagal, nakiusap si Rene kay Aida na tulungan din siyang makapag-abroad.
Nagpadala si Aida nang malaking halaga kay Rene para makapag-abroad. Hindi nagtagal at nakapag-Canada si Rene. Naiwan ang kanilang anak sa mga magulang ni Rene.
Dahil sa literal na paghihiwalay ng dalawa, nagkaproblema ang mag-asawa. Hindi na rin sila nagkikita dahil sa tagal ng mga kontratang kailangan nilang tapusin.
Sa panahon ng bakasyon ni Rene, wala si Aida. Kapag si Aida naman ang nagbabakasyon, wala rin si Rene.
Lalo pang lumala ang kanilang sitwasyon nang nagkaroon ng karelasyon si Rene sa Canada.
Palibhasa’y nasa poder ng mga magulang ni Rene ang bata, hirap ang sitwasyon ni Aida kapag siya ay nasa Pilipinas.
Hindi niya masolo ang anak. Mas maraming panahon ang ginugugol niya sa pamilya ng lalaki dahil ayaw ngang ipahiram sa kanya ang sarili niyang anak.
Dahil dito, hindi na rin niya madalaw ang mga magulang at kapatid sa Mindanao. Mas maraming panahon ang dapat na ipamalagi niya sa pamilya ng lalaki at masamantala ang pagkakataon na makasama ang anak.
Ang matindi pa, kapag kasama niya ang anak ay hindi pupuwedeng hindi rin kasama ang mga magulang at kapatid ni Rene. Kaya doble-doble ang kanyang ginagastos.
Bukod pa sa napakalaking halaga ang ginagastos niya sa tuwing lalabas silang mag-ina,. bantay-sarado si Aida ng mga lolo at lola ng bata. Ramdam niya akala siguro ng mga iyon napakarami niyang perang dapat gastusin sa tuwing nagbabakasyon siya ng Pilipinas.
Inulit-ulit naman ni Aida na isang domestic helper lamang siya. At gasino lamang ang sinusuweldo niya.
Minabuti ni Aida na ayusin ang mga dokumento ng anak upang madala niya ito sa Europa. Nagpabalik-balik siya sa bansa upang gawin ang lahat makuha lamang ang anak. Kaya nang nagkalakas-loob siyang bawiin ang bata, iniwan naman niya iyon sa isang kamag-anak habang malapit nang makumpleto nito ang mga kinakailangang requirements para maisama na niya ang anak.
Sa pagbalik niya sa Europa, nabalitaan niyang kinuha umano ang bata sa paaralan at nasa poder na naman ng mga magulang ng dati niyang karelasyon.
Hindi naman nagtagal ay nakumpleto na ni Aida ang lahat na kailangang dokumento.
Muling bumalik si Aida upang kunin na ang bata. Nagpatulong na rin siya sa awtoridad.
Ngunit pagdating sa paaralaan kung saan pumapasok ang kanyang anak, agad nagdatingan ang mga kapamilya ng lalaki.
Ayaw nilang pumayag na ibigay ang bata sa ina. Nagdala pa man din ang mga iyon ng mag-asawang abogado upang ilaban ang karapatan ng mga matatanda. At ang matindi pa, habang nagaganap ang agawan, tinawagan si Rene sa Canada ng isa sa mga kapatid nito.
Kinausap niya ang bata at kinumbinsing huwag sumama sa ina. Nang kausapin naman niya si Aida, pinagmumura at pinagsalitaan pa daw siya ng masasakit ni Rene. Ang bata naman, nakumbinsi din nilang huwag sumama sa ina nito, gayung pitong taong gulang lamang iyon.
Nagsampa na ng custody case sa korte si Aida upang pangatawanan nitong siya lamang ang tanging may karapatan sa bata.
Hindi anya siya kasal sa ama nito, at walang karapatan, ni katiting ang mga magulang ni Rene upang agawin sa kaniya ang anak, gayong paulit-ulit na isinisigaw ng mga matatanda na inabandona nito ang anak nang magtungo siya sa Europa upang magtrabaho.
Inaantabayan natin ngayon ang magiging pinal na desisyon ng korte hinggil sa problema ni Aida.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.