DOCTOR Heal, Matanong ko lang po, may pag-asa pa po ba akong mabuntis? Gustong-gusto na po namin ng mister ko na magka-baby. Kaya lang everytime na kami ay nagtatalik ay kung bakit parang inilalabas ng vagina ko ang sperm ng mister ko. Ganito po ang nangyayari parati. Normal po ba ito? Wala naman po akong ginagamit na birth control. Maraming salamat po. —…7117
Hindi normal ang ganitong sitwasyon. Makabubuti na magpatingin ka muna sa OB-Gynecologist para malaman kung meron mang problema sa iyo.
Samantala, kung pagkatapos ng inyong pagtatalik ng iyong mister, itaas mo kaagad ang iyong mga paa para mapanatili ang punla ng mister mo sa loob. Kailangan mo rin pala ng pelvic ultrasound at urinalysis. Si mister ay dapat magpatingin din.Kailangan niya rin para sa sperm analysis.
Doc, good evening po. Ako po si James ng Cagayan De Oro. Maitanong ko lang po sana kung anong klaseng doktor ang lalapitan ko para masolusyunan ang problema ko sa pag-ihi. Kailangan ko rin ng sperm cell count. Salamat po. —James, ….4900
Magpatingin ka sa urologist para mabatid kung may problema ka sa pag-ihi, o maaaring problema na ‘yan sa bato.
Doc, ako po si Mark. Tanong ko lang po kung anong epektibong gamot sa pasmadong kamay at paa. Sabi ng iba ihian ko daw sa umaga, may epekto po ba yun? Thanks. —Mark, 17, Manila, …6332
Kung ang ibig sabihin ng pasmado ay nangangatog o laging pinapawisan, iba’t iba ang mga dahilan nito.
Maaaring emotional, autonomic, pagod at kung anu-ano pang mga sanhi. Ang gamutan ay depende sa sanhi nito. Hindi epektibo ang ihi sa ganitong sitwasyon.
May problema po ako sa pananakit sa talampakan ko, nagpatingin na ako sa doktor, sabi niya mataas daw ang uric acid ko. May gamot na akong ininom pero nabawasan lang ang kirot, ngayon ay sumasakit pa rin pero nakakalakad naman ako. Ano ang dapat kong inuming gamot at pagkain? Salamat. —Marilou, 58, Zamboanga, … 4468
Gouty arthritis po yan. Sana ay wala pang bukol-bukol (Tophi). Iwasan ang mga pagkain na mataas ang purines gaya ng peanuts, chicharon bulaklak at iba pang lamang-loob. ALLOPURINOL at COLCHICINE ang bagay dito.
Editor: Si Dr. Heal ay napapakinggan din sa Radyo Inquirer 990AM gai-gabi mula alas 8 hanggang 9:30.
May nais ba kayong itanong o isangguni sa kanya? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 0999858606.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.