Kara sa pandemya: Kahit ako, sobrang natakot, ‘meron pa ba akong magiging trabaho?’
“MAS maraming bagay ang mas importante sa iyong sarili kaysa sa iyong mga luho, pera at career.”
Yan ang bahagi ng pahayag ng multi-awarded Kapuso TV host-news anchor na si Kara David nang magbalik-tanaw siya sa mga nangyari sa kanyang buhay nitong 2020 at sa panahon ng pandemya.
Aniya, tulad ng karamihan sa mga Filipino, inatake rin siya ng matinding pangamba nang magsimula ang lockdown dulot ng pandemya at kung ano nga ba ang mangyayari sa mundo sa gitna ng health crisis.
“Malaki yung pasasalamat ko sa programang ‘Bright Side’ for that, kasi alam kong lahat tayo nung nag-start ‘yung pandemic ang taas talaga ng anxiety nating lahat,” pahayag ni Kara sa Kapuso Brigade ZOOMustahan virtual event.
“Kahit ako, sobrang natakot ako. ‘Meron pa ba akong magiging trabaho?’ ‘Yung asawa ko na seaman, pinauwi galing sa barko.
“Nagtatanong kami (kung) magkakaroon pa ba ng trabaho ‘yung asawa ko. Ako ba magkakaroon pa ba ng trabaho ngayong parang sarado na ang lahat, ‘di ba? Hindi na siya normal,” sabi pa ng Kapuso broadcast journalist.
Aniya pa, “I realized na may mga bagay na mas importante e. Ano itong mga bagay na mas importante? ‘Yung ating family, yung ating kalusugan, yung ating safety.
“Ayun. ‘Yun ang tinuro sa akin ng 2020, maraming bagay ang mas importante sa iyong sarili kaysa sa iyong mga luho, pera, at career. Maraming ibang bagay na mas importante,” paliwanag ng TV host.
Patuloy pa ni Kara, “Tapos sa time ng crisis, doon mo talaga nakikita yung mga tunay mong kaibigan, ‘yung mga tunay na nagmamalasakit sa ‘yo, ‘di ba?
“So, in a way, this pandemic, itong 2020, it really taught us how to be resilient. Tinuruan nito tayo kung paano tayo magiging survivor at kung paano tayo dapat tumulong sa isa’t isa para lahat tayo maka-survive.
“Oo, madaling magreklamo, ‘di ba? Pero let’s do our part. Let’s also do our part para maiangat naman natin ‘yung buhay ng ibang tao,” lahad pa ng dokumentarista.
“Lagi kong sinasabi po to everyone, to all my fans, to everyone I meet, I always tell them three things to make your life more beautiful — magdasal, magpasalamat at magmalasakit.
“Magdasal ka kasi lahat ng biyaya ay galling sa Panginoon. Magpasalamat ka sa kanya kasi hindi lang naman ikaw ang gumawa niyan.
“Ginawa ‘yan ng Panginoon at binigay para sa ‘yo. At magmalasakit ka sa kapwa bilang paraan ng pagpapasalamat. Magiging masaya ka,” paalala pa ni Kara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.