Pampa-good vibes kontra kanegahan sa pagbabu ng 2020: Kasalan, babies pa more | Bandera

Pampa-good vibes kontra kanegahan sa pagbabu ng 2020: Kasalan, babies pa more

Ervin Santiago |December 26,2020
facebook
share this

Pampa-good vibes kontra kanegahan sa pagbabu ng 2020: Kasalan, babies pa more

Ervin Santiago - December 26, 2020 - 05:10 PM

ILANG araw na lang at maggu-goodbye na ang 2020 — ang taong hinding-hindi makakalimutan ng lahat ng tao sa buong mundo dahil sa napakaraming chakang pangyayari at negang alaala na hatid nito.

Sabi nga ng mga Pinoy, kotang-kota na sa mga pagsubok at matitinding hamon ng buhay ang dinanas ng sambayanan kaya sana’y mas maging mabait at masagana naman ang darating na 2021.

Para sa pagbabalik-tanaw, hindi na muna namin iisa-isahin ang mga dagok na hatid ng 2020 dahil siguradong quota na rin kayo sa mga kanegahang balita sa bansa.

Kaya naman para kahit paano’y makapaghatid ng inspirasyon at pag-asa sa bawat Filipino saan man sa mundo, narito ang ilan sa magandang balita at pampa-good vibes na showbiz chika sa nakalipas na 12 buwan kahit pa nga halos 10 months na tayong nasa ilalim ng community quarantine.

BABIES PA MORE

Assunta de Rossi — Pinatunayan ng aktres na totoong may “himala” dahil sa pagdating ng miracle baby nila ni Jules Ledesma. Simula pa noong ikinasal sila taong 2002, wala siyang ipinagdasal kundi ang biyayaan sila ng baby.

Nitong nagdaang Mayo, ibinandera ni Assunta na buntis siya at nanganak noong Oct. 30. Pinangalanan nila ang panganay na anak ng Giulia Fiorentina Alessandra o Baby Fiore.

Sofia Andres — Ngayong taon din inamin ng aktres na may anak na siya matapos mapabalita noon na nagdadalang-tao siya. Mismong Father’s Day nitong nakaraang June nag-post siya ng litrato kasama ang anak na si Zoe kasabay ng pagpapasalamat sa tatay ng baby na si Daniel Miranda.

Phoemela Baranda — Itinuturing din ng actress-TV host na blessing ang pagbubuntis niya sa edad na 40 courtesy of her partner Jason Choachuy. Ang panganay niyang si Kim ay 22 years old na ngayon.

Regine Tolentino — Ipinanganak ng TV host-actress at businesswoman ang third child niyang si Baby Rosie noong Marso at unang linggo ng community quarantine. Ibinandera ni Regine ang pagsilang ng anak nila ng partner niya ngayong si Dondi Narciso.

Diana Zubiri — Hindi muna ipinaalam ng original “Encantadia” star sa publiko ang pagbubuntis niya sa ikatlong baby nila ng asawang model-actor na si Andy Smith. Ipinanganak ng aktres si Baby Amira nito lang Setyembre.

DADDY NA KAMI

JC Santos — Ikinagulat din ng madlang pipol ang pag-amin ng singer-actor na ikinasal na siya kay Shyleena Herrera at magiging tatay na siya. March, 2020 nang ipakilala ng aktor sa publiko ang anak nilang si River Altheia.

Carlo Aquino — Akala n’yo lang wala! Pero meron, meron, meron na ngang anak ang dating child star. Nitong Setyembre ibinalita ng award-winning actor na isinalang na ang anak nila ni Trina Candaza na si Enola Mithi.

Alex Medina — Daddy na rin ang magaling na aktor at anak ni Pen Medina na si Alex. Ibinahagi niya sa

social media noong Mayo ang pagdating ni Baby Allie, ang panganay na anak nila ng girlfriend na si Monique Tolentino.

KASALAN NA: “I DO”

Megan Young & Mikael Daez — Dalawang beses nagpakasal ang Kapuso couple sa pagpasok lang ng 2020 makalipas ang 10 taong relasyon.

Naganap ang unang kasalan noong Jan. 10 sa Calaruega Church sa Nasugbu, Batangas, kung saan 10 lang ang kanilang bisita. Ang second wedding naman ay ginanap noong Jan. 25 sa Subic, na hometown ni Megan.

Sarah Geronimo & Matteo Guidicelli — Nagdiwang nang bonggang-bongga ang fans ng Popstar Royalty nang ibandera ng AshMatt ang kanilang engagement last year (November). Inasahan ng lahat na isang engrandeng wedding ang magaganap sa pagitan ng celebrity couple pero kabaligtaran nito ang nangyari.

Noong Feb. 20, 2020 naganap ang kanilang “secret wedding” na nabahiran pa ng kontrobersya dahil sa pagsugod ng nanay ni Sarah na si Mommy Divine sa venue ng kasal. Pero sa kabila nito, walang nakapigil sa pag-iisang dibdib ng AshMatt.

Joyce Pring & Juancho Trivino — Ikinasal noong Feb. 9 ang dalawang “Unang Hirit” hosts sa garden ng Sofitel Hotel sa Manila sa pamamagitan ng isang Christian wedding. Tumutulo ang luha ng Kapuso actor habang naglalakad sa aisle patungo sa altar.

Pareho rin silang naiyak habang nagpapalitan ng wedding vows at nang magbigay din ng mensahe sa kanilang parents.

Sheena Halili & Jeron Manzanero — Feb. 23, 2020 nang magpalitan ng “I dos” ang longtime couple sa The Blue Leaf Cosmopolitan in Quezon City. Makalipas ang ilang buwan, in-announce na ng mag-asawa na magiging parents na sila.

Pagsapit ng Dec. 13, ipinanganak na ang first baby nina Sheena at Jeron. Mensahe ng aktres, “Hello, anak! Hanggang ngayon di parin ako makapaniwala na nahahawakan at nayayakap na kita.?  Maraming salamat Lord at healthy kaming dalawa.”

Jay-R & Mica Javier — Ginanap ang kanilang Christian wedding sa beachfront ng isang hotel sa Boracay noong March 1, 2020.

Sarah Lahbati & Richard Gutierrez — Nagdesisyon ang celebrity couple na magpakasal (civil wedding) bago ipatupad ang community quarantine sa bansa dulot ng COVID-19.

Originally, isang grand wedding ang inihanda nina Richard at Sarah pero dahil sa lockdown, nag-announce sila na postponed muna ito. Pero dahil gusto na talaga nilang maging legal ang kanilang pagsasama, itinuloy pa rin nila ang pagpapakasal sa huwes.

KZ Tandingan &  TJ Monterde — October ngayong taon in-announce ng celebrity couple ang kanilang “quarantine wedding” na ginanap sa The Farm at San Benito sa Batangas.

Nangyari ang kasal sa nasabing wellness resort noong August, 28 na dinaluhan ng ilan sa kanilang malalapit na kapamilya at kaibigan. Nasaksihan din ito ng kanilang mga pamilya through video conference.

Ina Feleo & Giacamo Gervasutti — Siniguro ng mag-asawa na lahat ng requirements na kailangan sa health protocols ay nasunod nila bago magpakasal.

Naganap ang kasalan sa Pinto Art Museum sa Antipolo City nito lang Dec 1. Nasa 20 katao lang inimbita nilang bisita sa kanilang espesyal na araw.

Bettina Carlos & Mikki Eduardo — “COVID Bride” ang bansag ng Kapuso host-actress sa sarili nang magpakasal sa non-showbiz fiancé niyang si Mikki Eduardo.

Dalawang beses ikinasal ang magdyowa sa sa Tagaytay Highlands. Ang unang wedding ceremony ay ginanap sa garden na may view ng Taal Lake, at sa katabing cabin na may function room ang reception.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi man nabanggit ni Bettina kung saan ginanap ang second wedding, pero parang sa nasabing function room din isinagawa ang ikalawang seremonya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending