Christmas hugot ni Vice: Walang MMFF first day kaba and ngarag, kaka-miss din
AMINADO si Vice Ganda na na-miss niya ang “ngaragang” feeling kapag sumasapit na ang taunang Metro Manila Film Festival.
This year kasi ay walang entry ang TV host-comedian sa MMFF matapos magdesisyon ang Star Cinema at Viva Films na huwag nang isali ang dapat sana’y pelikula ni Vice sa 2020 filmfest kung saan makakasama niya si Ivana Alawi.
Hindi na kasi umabot sa deadline ang “Praybeyt Benjamin 3” dahil na rin sa istriktong pagpapatupad ng safety protocols sa mga shooting kaya tinanggal ito sa 10 official entries ng MMFF 2020.
Ito ang third installment ng blockbuster movie ni Vice noong 2011 na “The Unkabogable Praybeyt Benjamin” at “The Amazing Praybeyt Benjamin” noong 2014.
Kahapon nagsimulang mapanood ang Magic 10 sa MMFF 2020 sa pamamagitan ng video-on-demand platform na UPSTREAM.ph at hindi sa mga sinehan dulot pa rin ng patuloy na banta ng pandemya.
Sa kanyang Twitter account, nag-share si Vice ng nararamdaman niya ngayong wala siyang entry sa filmfest. Binalikan niya ang kanyang mga “kaba” at “ngarag” moments sa ilang taong pagsabak niya sa MMFF.
Hirit ni Vice, “Walang MMFF first day kaba and ngarag.
“Walang cinema tours. Walang mall tours.
“Walang kaliwa’t kanan na texts and calls from VIVA and Star Cinema kung magkano na ang gross very after screening hours.
“Tahimik lang. Kalmado lang. ibang iba.
“Kakamiss din.”
Mula pa noong 2012, talagang yearly ay may entry si Vice sa MMFF, sa katunayan ang lahat ng pitong pelikula niya sa taunang festival ay puro top grosser na sinimulan ng “Sisterakas” kasama sina Kris Aquino at Ai Ai delas Alas.
Sinundan ito ng “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” noong 2013; “The Amazing Praybeyt Benjamin” noong 2014; at “Beauty and the Bestie” noong 2015.
Taong 2016, hindi nakasama sa MMFF ang pelikula nila ni Coco Martin na “The Super Parental Guardians” ngunit ito naman ang itinanghal na highest-grossing film that year.
Muling sumali noong 2017 si Vice sa MMFF with “Gandarrapiddo: The Revenger Squad” na sinundan ng “Fantastica” taong 2018 at last year nga ay pumasok ang entry nila ni Anne Curtis na “The Mall the Merrier”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.