Pasko na bukas. Ngunit ito ay isang pambihirang pasko. Pasko na naiiba sa mga Paskong nagdaan. Pasko na may pangamba dahil sa umiiral na pandemya. Pasko sa panahon ng COVID-19.
Sino nga ba ang mag-aakala na pati ang taunang selebrasyon ng Pasko ay maaaring baguhin ng isang pandemya na tulad nitong COVID-19.
Nagpalabas na ng kautusan ang Inter-Agency Task Force ( ITF ) kung saan ipinagbabawal ang caroling at Christmas parties sa mga publiko at pribadong lugar. Nauna na dito, pinagbawal ang mass gatherings sa mga ilang lugar, kaya bawal na din pumunta ang pami-pamilya sa Luneta, Quezon City Circle at iba pang mga park sa Pasko.
Bukas, sa araw ng Pasko, ang aming buong angkan na kinabibilangan ng aming 95 years old na ina, labing dalawang (12) magkakapatid, mga pamangkin at apo, pinsan, tiyahin at tiyuhin at mga ibang kamag-anak, ay dapat na magkita-kita sa bahay ng aming ina sa Quezon City upang ipagdiwang ang Pasko. Isang bagay o tradisyon na aming ginagawa mula pa ng ako ay nagkaisip. Ngunit sa Paskong ito, sa unang pagkakataon, walang physical celebration na magaganap.
Sa lahat ng Pasko na dumaan, kasama ko sila, pati na ang aming ama (the late Justice Desiderio P. Jurado) na pinagdiwang ang natatanging araw na ito. Tiniyak namin na maging masaya ang Pasko para sa lahat lalo na sa mga batang pamangkin at apo. Nagsasagawa kami ng iba’t-ibang parlor games. May singing contest din na kung saan minsan mapipilitan kang magtakip ng tenga. Kasama din ang pag-talumpati at pag-recite ng poem tulad ng “Ang Palaka” ng aking anak na si Nikki at ang “The Charge of the Light Brigade” ng aking kapatid na si Ricky. Sayawan gaya ng Rico Mambo at Makarena na pinangungunahan ng aking nakatatandang kapatid na si Rowena. Ang paagaw ng pera kung saan pati ang mga matatanda ay kasali. At ang inaabangang exchange gifts at pagbibigay ng pera para sa mga bata
Syempre, sa lahat ng selebrasyon, may kainan. Ang pagkain sa Pasko ay espesyal katulad ng ham at quezo de bola na binili pa sa Quiapo. Ang fruit salad (chico, suha, at iba) na gawa ng aming ina ang paborito ng lahat. Ito yata ang pinakamasarap na fruit salad na aking natikman
Ang taunang masayang selebrasyon namin ay hindi mangyayari bukas dahil sa pandemyang COVID-19. Hindi lang sa amin kundi pati sa lahat. Mas mabuti siguro na hindi na muna magtipon-tipon at magkita-kita ang mga magkakamag-anak bukas at gawin ang mga dating ginagawa sa Pasko, gaya ng family reunion at Christmas party. Hindi kayang magkaroon ng physical celebration ng Pasko na hindi malalabag ang kautusan ng IATF at hindi malalagay sa peligro ang kalusugan ng bawat isa.
Pero hindi dapat natin itigil ang selebrasyon ng Pasko dahil sa pandemya. May mga paraan para maski papaano ay mairaos at magawa ang dating ginagawang selebrasyon.
May mga teknolihiya na ngayon kung saan pwedeng idaos ang isang selebrasyon na hindi kailangan ng physical o actual na magkita-kita. Isa dito ang Zoom
Idadaos pa din namin ang aming taunang selebrasyon ng Pasko pero sa pamamagitan ng Zoom meeting/videoconferencing. Sa monitor ng kanya-kanyang laptop, ipad, cellphone o TV, kami ay magkikita at katulad ng mga nakaraang Pasko, kami ay magkakantahan, magsasayawan, maglalaro at magkukwentuhan.
Hindi mapipigil ng COVID-19 ang Pasko. Ang selebrasyon ng Pasko ay mananatili ano mang pandemya ang maganap.
Maligayang PasCOVID sa lahat!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.