Hugot ni Bernadette sa mapagmahal na mister: Sabi ko sa kanya ‘sorry asawa defective ako’
“KAPAG sunod-sunod na ang bagyo sa buhay minsan wala ka nang time mag-moment,” ang pag-amin ng news anchor na singer na rin ngayong si Bernadette Sembrano.
Bumaha ng luha nang ikuwento ni Bernadette ang mga pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay, kabilang na ang pagkawala ng magiging panganay sana nilang anak ni Emilio Aguinaldo IV.
Sa nakaraang episode ng “Magandang Buhay”, isa-isang binalikan ni Berndette ang matitinding challenges na napagtagumpayan niya. At dahil sa pagkawala ng kanyang anak matapos makunan pati na ang pagpanaw ng ama ay binalikan niya ang pagsusulat ng kanta.
“Umoo ako sa pag-awit sa choir nu’ng nawala si Molly, nu’ng nakunan ako. I started saying yes to a lot of things. Nu’ng si Papa naman sabi ko sa kanya, ‘Pa, hayaan mo everytime I sing, I will remember you.’
“So, nagpatuloy ako sa pag-awit. Then ang dami ring naging mabuting tao sa akin dito sa journey ko sa music na ino-offer ko sa kanila,” pahayag ng Kapamilya news anchor.
“Tapos alam n’yo nu’ng nawala po si Molly, nu’ng nakunan ako, nu’ng nawala si Papa, hinayaan kong pumasok ang liwanag at ligaya. Minsan kasi kapag nasasaktan ka, lahat damay na.
“Pero may mga maliliit na liwanag na sumisingit sa buhay po natin na hayaan mo rin naman na pumasok kasi ‘yun yung grasya ni God sa panahong ito para paligayahin tayo, para humaba-haba ang pisi natin kahit na parang mahirap,” paliwanag pa niya.
Patuloy pang mensahe ni Bernadette, “Natutunan ko rin po sa mga kababayan natin na kapag sunod-sunod na ang bagyo sa buhay minsan wala ka ng time mag-moment. So hindi na rin ako nakapag-moment talaga.
“Dahil after si Molly, may alaga rin akong aso si Uni bigla rin siya naaksidente, magkakasunod. Pero nung nakita ko ‘yon, I think grasya ito kasi ayaw ni God na mag-sulk ako roon sa isang pinagdaanan.
“Dahil sa dasal din, naniniwala rin ako, naniniwala talaga ako na buhay siya sa akin, even si Papa, sobra talagang naniniwala ako na he’s with me. So alam kong hindi ko lang sila nakikita pero damang-dama ko sila.
“So kapag mayroon pong nawawala ang pinakaparaan para mabuhay sila sa atin if we continue to remember and honor them sa pamamagitan po ng buhay natin. So ‘yun po ang aking natutunan,” lahad pa ni Bernadette.
Nagpasalamat din siya sa kanyang asawa na buung-buo pa rin ang pagmamahal at suporta sa kanya, “Wala siyang hiningi nu’ng dating hindi kami magkaanak kasi ako ang may problema. Sabi ko sa kanya ‘sorry asawa defective ako’ sabi kong ganu’n.
“Sabi niya ‘tigilan mo ‘yan, gusto mo ba yan din ang sasabihin ko, kapag ako yung may… so anyway grabe lang si asawa sobrang simple niya.
“Sabi niya importante magkasama tayo. Ang simple lang nung hiling niya. Huwag sayangin ang bawat na araw na magkasama. ‘Yung pahalagahan mo lang ‘yung pagsasama niyo. ‘Yung magpapasalamat ka, ‘yung magso-sorry ka kapag mayroon kang kasalanan at ‘yung mag-a-I love you ka,” aniya pa.
Very visible ngayon sa mga programa ng ABS-CBN ngayon si Bernadette para i-promote ang awitin niyang “Yakapin Ang Pasko” na Christmas gift niya sa madlang pipol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.