‘Kickvacc’ nga ba ang dahilan sa nabigong pagbili ng bakuna ng Pinas sa Pfizer?
“‘Kickvacc’ nga ba ang dahilan kung bakit nabigo ang Pilipinas na masigurong makakabili ng 10 milyong doses ng Covid-19 vaccine mula sa Pfizer?
“Huwag naman sana na may issue ng ‘kickvacc’ sa dropping of the ball ng Pfizer vaccine procurement,” ayon kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan kaugnay sa pagbubunyag na hindi umano trinabaho ng administrasyon ang ilang dokumentong hinihingi ng US pharmaceutical giant.
Sakaling ang aksyon na ito ay sinadya para paboran ang ibang kumpanyan ng gamot, sinabi ni Pangilinan na maituturing itong isang paglabag sa Anti-Graft Law ng bansa.
Naunang ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na dapat sana ay maide-deliver na ng Pfizer sa Pilipinas ang 10 milyong doses ng vaccine ngayong darating na Enero kung hindi lamang nabigong isumite ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga dokumentong kailangan para sa transaksyon.
Sinabi ni Lacson na mismong si U.S. Secretary of State Mike Pompeo at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang nag-usap nito pang nakaraang Hulyo para masigurong may mabibiling pambakuna ang Pilipinas sa harap ng matinding kompetisyon sa buong mundo para sa anti-Covid vaccine.
“They could have secured the delivery of 10 million Pfizer vaccines as early as January next year, way ahead of Singapore but for the indifference of Sec. Duque who failed to work on the necessary documentary requirement namely, the Confidentiality Disclosure Agreement as he should have done,” wika ni Lacson.
“The country representative of Pfizer was even following up on the submission of such documentary requirements,” dagdag ni Lacson.
Sinabi pa niya na mismong si Finance Secretary Carlos Dominguez III ay nagbigay ng kasiguruhan na may pondong maibibigay ang pamahalaan para sa bakuna.
“As we now know, Singapore has the vaccines and we don’t,” ani Lacson.
Nitong Lunes, nagsampa si Pangilinan ng resolusyon sa Senado para maimbisitigahan ang insidente.
“Milyon-milyong buhay at hanapbuhay ng Pilipino, at trilyon-trilyong piso ng economic activity ang nakataya rito. Hindi pwedeng mabigo ang vaccine rollout nang dahil sa kurakot o kapalpakan,” wika ni Pangilinan.
“Ang tagal na ng lockdown natin. Halos kalahating milyon na ang kaso ng Covid. Mahigit walong libo na ang namamatay sa mga kababayan natin. Milyon-milyong negosyo at trabaho na ang nawala. Kailangan na natin ng game plan para masugpo ito,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Duque na patuloy pa rin ang negosasyon ng bansa sa Pfizer.
Sa datos nitong Disyembre 16, nakapagtala ang Pilipinas ng kabuuang 452,988 kaso ng Covid, kabilang ang 8,833 na namatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.