Charlie Dizon baka raw itakwil ng magulang pag napanood ang MMFF entry nila ni Paulo
NAGING fan din sa tunay na buhay si Direk Antoinette Jadaone at sina Charlie Dizon ay Paulo Avelino na bida sa pelikulang “Fan Girl”.
Ito ang official entry ng Black Sheep/Globe Studios/Crossword Productions/Project 8, Epic Media sa 2020 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Dis. 25 hanggang Enero 8, 2021.
Inamin nila sa ginanap na virtual mediacon ng movie kaninang umaga kung sino ang kanilang mga hinangaan sa showbiz, kaya hindi nahirapan sa karakter niya sina Paulo at Charlie at lalo na si direk Tonette bilang fan siya ng mga taong nasa likod ng camera.
Ayon kay Charlie, “Grade 4 po ako noon, pumunta po ako sa mall show ni Richard Gutierrez dito po sa mall malapit sa amin, so na-experience ko po talaga ‘yung makipagsiksikan sa mall show at nakasali po ako sa games and nakapunta pa po ako sa backstage no’n.”
“Bihira po kasi sa Baguio na may pumuntang artista dati unless may festival kaya puro banda. Pero kung sa pelikula (maraming pinanood), opo kasi kinalakihan ko naman ang mga pelikula nina FPJ (Fernando Poe, Jr.), Tito Bo (Christopher de Leon), Dolphy, sila ‘yung mga favorite ko nu’ng bata ako,” kuwento naman ni Paulo.
Sabi naman ni direk Tonette, “Super movie fan po kasi ‘yung mga tita ko po nu’ng bata ako, super fan sila ng That’s Entertainment na pumupunta po kami pati sa Santacruzan, Araneta Center. So, ganu’n po kami ka-movie fan. Kaya po siguro naging movie fan ako kasi ganu’n sila sa mga artista.
“Pero nu’ng nag-aral na po ako ng Film (sa UP), mas naging fan po ako ng mga nasa likod ng camera, kaya nu’ng nakapasok na ako sa Star Cinema kay Direk Joyce (Bernal), mas na-starstruck po ako kina Tatay Charlie Peralta (Director of Photography), Marya Ignacio (DOP). Doon po ako mas na-starstruck kaysa sa mga artista.”
At ang nag-influence kay direk Tonette para magdirek, “Yung pamilya ko po kasi mahilig sa pelikula, tapos ‘yung lolo ko kasi, isa sa gumawa ng mga sinehan sa Pasig kaya po lagi kaming nakakanood ng mga pelikula.
“So, doon palang po kahit noong bata adik na kami sa panonood ng mga pelikula saka mga Filipino films talaga, Dolphy, Tito Vic and Joey, Sheryl Cruz, Romnick Sarmenta, GMA Supershow, That’s Entertainment.”
Nabanggit pa ni direk Tonette na relatable ang kuwento ng “Fan Girl” sa lahat ng klase ng tao.
At dahil biggest fan ni Paulo si Charlie sa pelikula ay talagang sinusundan siya nito kahit saan magpunta, sa madaling salita, obsessed ang dalaga sa aktor.
Samantala, tinanong ni Paulo si Charlie kung hindi ba siya natatakot kapag napanood ng magulang niya at ng Ate niya ang “Fan Girl”, baka raw kasi itakwil siya.
“’Yun nga, eh. Kaya nag-iipon na ako ng panglipat (bahay) talaga, kinakabahan ako,” pag-amin ng aktres.
Dagdag pa ng dalaga, “Mga January n’yo (sa magulang) na ako palayasin.”
Hirit naman ni direk Tonette, “Sayaw ka na Charlie.”
Nagti-TikTok pala kasi si Charlie, “Aga pa direk. Hindi po ako madalas mag TikTok, napilit lang ako ng araw na ‘yun.”
Nagbiro si Charlie na pang-ipon ng paglilipat niya ng bahay ang kita sa TikTok. Kaya naman na-curious ang lahat kung anong ginawa nila ni Paulo sa “Fan Girl” para ikagalit ng magulang ng dalaga.
Anyway, naunang isinali ang “Fan Girl” sa nakaraang Tokyo Film Festival nitong Marso, 2020 at umani ng maraming papuri mula sa international festival circuit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.