Arjo Atayde waging best actor sa 2020 Asian Academy Creative Awards
NASUNGKIT ni Arjo Atayde ang Best Actor award sa katatapos lang na Asian Academy Creative Awards 2020 na ginanap sa Singapore ngayong gabi.
Si Arjo ang representative ng Pilipinas sa AACA 2020 para sa digital series niyang “Bagman” na isinulat at idinirek ni Shugo Praico handog ng Dreamscape Entertainment at Rein Entertainment.
Dahil sa pandemya ay hindi nakapunta si Arjo sa Singapore para dumalo sa nasabing awards night gayun din ang iba pang nominado mula sa ABS-CBN.
Sa ABS-CBN naman ginawa ang virtual awarding at sobrang tuwang-tuwa si Arjo at ninenerbyos buong araw, base sa kuwento ng daddy niyang si Papa Art Atayde.
“’Yung nanay (Sylvia Sanchez) ilang araw na ninenerbyos,” sabi ni Papa Art sa amin sa pamamagitan ng Facebook messenger.
Tinanong namin kung may nerbyos ding naramdaman ang tatay ng aktor, “Hindi, dahil sabi ko kay Arjo, win or lose just the nomination, panalo ka na diyan,” ang sagot sa amin.
Kasalukuyang nasa lock-in taping ngayon si Ibyang para sa bago nitong teleserye handog ng Dreamscape Entertainment at talagang naka-monitor siya sa live feed ng Asian Academy Creative Awards sa FB at siya nga ang nagbalita sa aming panalo ang binata.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa kami sinasagot ni Arjo nang hingan namin siya ng reaksyon sa bago niyang acting award.
Samantala, mapapanood bukas, Sabado, Dis. 5, ang huling bahagi ng “Maalaala Mo Kaya” episode niya kasama ang inang si Ibyang para sa life story ng tinaguriang Hero Doctor na si Israel Bactol, ang batang cardiologist na namatay dahil sa COVID-19 na idinirek ni Dado Lumibao mula sa Star Creatives. Kasama rin sa nasabing episode sina Hero Angeles at Aldrin Angeles at mapapanood sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z Channel 11.
Anyway, congratulations Arjo mula sa BANDERA!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.